PAGTATAAS NG ALLOWANCE NG MGA GURO, KASAMA NA SA 2021 BUDGET

NAKAPALOOB na sa binabalangkas na 2021 national budget ng Senado ang pondo para sa dagdag na allowance ng mga pampublikong guro sa susunod na taon.

Ito ang kinumpirma ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara.

Noong Lunes ay inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020.

“The allowance for teaching supplies will be increased from the present P3,500 to P5,000 a year. This is consistent with the proposed law institutionalizing the chalk allowance,” pahayag ni Angara kasabay ng katuwaan sa pagpapasa sa panukala.

Muling binigyang-diin ni Angara na kabilang sa kanilang prayoridad para sa 2021 national budget ang tugunan ang demands sa educational system sa ilalim ng new normal, partikular ang internet access.

Binigyang-diin naman nina Senador Win Gatchalian at Senador Joel Villanueva na napapanahon ang dagdag na teaching allowance lalo’t nahaharap ang mga guro sa mas maraming gastusin dahil sa distance learning.

“Napapanahon nang taasan natin ang pondong ibinibigay sa mga guro para mabili nila ang kanilang mga pangangailangan sa pagtuturo. Sa ating pagresponde sa mga hamon ng pandemya at sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, nararapat lang na ibigay natin ang lahat ng suporta para na rin sa kapakanan ng mga estudyanteng tinuturuan nila,” pahayag ni Gatchalian.

Idinagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, na humuhugot ang mga guro mula sa sarili nilang bulsa upang makabili ng sapat na kagamitan sa pagtuturo, lalo na’t hindi sapat ang kasalukuyang halagang natatanggap nila taon-taon.

“Hindi na natin dapat hayaan ang mga gurong mag-abono ng malaking halaga upang magampanan nila ang kanilang tungkulin,” dagdag na pahayag ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

184

Related posts

Leave a Comment