KASABAY ng banta ng Bagyong Ulysses ay dapat na dagdagan ng pondo ang calamity fund sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Giit ni Senador Christopher “Bong” Go sa kanyang apela sa executive department na dagdagan ang calamity fund ng mga local government unit (LGU), lalo na ang mga nagsisikap pa ring makabawi mula sa pananalasa ng Super Typhoon Rolly at Typhoon Siony at sa Bagyong Ulysses.
“Dapat pro-active tayo — laging handa. Tulungan po natin ‘yung mga apektadong mahihirap na LGUs na sapat na makaresponde sa krisis at maprotektahan ang mga komunidad nila,” sabi pa ni Go.
Aniya, kailangan ang dagdag na pondo para pambili ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo at kalamidad.
Nauna rito, hinimok ni Go ang Department of Budget and Management (BDM) na magbigay muli ng dagdag na pondo sa calamity fund sa mga lugar na tinamaan ng bagyo, partikular sa Rehiyon IV-A, IV-B at V, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang local Disaster Risk Reduction and Management Fund na katumbas ng 1% ng kani-kanilang Internal Revenue Allotments.
“Malaki po ang magagawa ng pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanilang mga komunidad, lalo na’t naubos na ang kanilang naunang pondo dahil sa pandemya,” ayon sa senador. (NOEL ABUEL)
288 