NELSON S. BADILLA
WALA nang mababalitaan ang tinatayang 110 milyong Pilipino hinggil sa mahigit apat na taong kinukuwestyong pagkapanalo ni dating kongresista Maria Leonor “Leni” Robredo bilang pangalawang pangulo ng bansa noong halalang 2016 makaraang maglabas ng panibagong kautusan ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na nagpapatigil sa “parties” sa protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na talakayin ito sa publiko.
Inilabas ng PET ang utos nitong Nobyembre 10, isang araw makaraang maghain ng magkahiwalay na mosyon si Marcos at ang Office of the Solicitor General (OSG) na parehong humihiling na magbitiw si Associate Justice Marvic Leonen bilang “officer-in-charge”, o ponente, ng kaso ni Marcos.
Hiniling ni Marcos ang pagbabawal kay Leonen na maging bahagi o lumahok sa mga talakayan ng PET sa kanyang kaso.
Nais din ni BBM at ng OSG sa pangunguna ni Solicitor General Jose Calida, na i-raffle ang kaso upang mapunta sa ibang mahistrado.
Naghain ng “strong motion with extremely urgent motion” si BBM nitong Nobyembre 9 dahil kumbinsido siyang hindi niya makakamit ang katotohanan sa kanyang protesta habang si Leonen ang may hawak nito, maliban pa sa sobrang bagal ng pag-usad ng kanyang reklamo.
Mahigit apat na taon na ang protestang elektoral ni Marcos sa PET at mahigit isang taon nang hawak ito ni Leonen.
Anti-Marcos
Sa parehong mosyon, tinumbok ni BBM na hindi papanigan ni Leonen ang kanyang kaso dahil matagal na itong kontra at binibira ang pamilya Marcos at kanilang mga kaibigan.
Kitang-kita ito sa mga desisyon ni Leonen sa mga kasong nakarating sa Korte Suprema, lalo na sa paglipat ng bangkay ng namayapang Pangulong Ferdinand E. Marcos sa “Libingan ng mga Bayani” sa lungsod ng Taguig mula sa Ilocos Norte.
Idiniin din ni BBM na ginamit ni Leonen ang kanyang reklamo laban kay Leni upang gumanti sa pamilya Marcos na itinuring ng mahistrado na kaaway.
Halos ganyan din ang mga argumentong legal ni Calida.
Kumilos para sa Pilipino
Ngunit, nilinaw at tiniyak ni Calida na ang “omnibus motion” ng OSG ay hindi pagtatanggol kay Marcos kundi kumilos ang OSG bilang “Tribune of the People”.
Bilang Tribune of the People, naobligang maghain ng mosyon ang OSG laban kay Leonen upang manindigan at kumilos para sa interes ng publiko (110 milyong Pilipino) at estado (pamahalaan kung saan kabilang din ang mamamayan).
Ipinaalala ni Calida sa PET na ang katangian ng OSG bilang Tribune of the People ay kinilala, tinanggap at inilatag ng mismong Korte Suprema sa kasong dinesisyunan nito noong 1992.
Sundin ang sub judice rule
Ayon sa panibagong kautusan ng PET, ang mga partido (personalidad) na kasama sa PET Case No. 005 (Marcos, Jr. v. Robredo) ay kailangan na “strictly observe the sub judice rule pursuant to its earlier resolutions”.
Ang sub judice rule ay patungkol sa mga merito ng kaso.
Ang tinutukoy ng PET ay ang pagbabawal na magsalita sa publiko ang mga partido sa kaso na inilabas ng PET noong Pebrero 13, 2018 at Marso 20 ng parehong taon.
Pinatahimik muli ng PET ang parehong mga partido noong Setyembre 10, 2019 kung saan idiniin ulit ang sub judice rule.
Sa ‘gag order’ nitong Nobyembre 10, idiniin ng PET na ang pahayag sa media nina Marcos at Robredo at ng kani-kanilang mga abogado at “agents” sa iba’t ibang media outlets at paglalabas ng mga impormasyon hinggil sa kaso ni Marcos “are not the proper venues to litigate their case”.
Bawal ang reporters
Bukod kina Marcos, Robredo at kani-kanilang mga abogado, maging ang kanilang mga ahente ay pinababawalan ding talakayin ang kaso ni BBM sa media.
“The parties, their counsels and their agents are STERNLY WARNED that any more violation of this order shall be dealt more severely”, babala ng PET.
Binanggit din ng PET na ang kautusan ay resulta ng mga pahayag ng mga partidong kasama sa kaso, mga abogado nila at mga ahente sa media.
Nitong Nobyembre 9, naglunsad ng virtual conference si Marcos at ang abogado at tagapagsalita nitong si Atty. Vic Rodriguez hinggil sa inihaing mosyon ni Marcos sa PET laban kay Leonen.
Annulment of votes
Ipinaliwanag at iginiit ni Marcos sa pagtatanong ng media na “annulment of votes” ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao ang kanyang kahilingan sa PET at hindi “failure of elections”.
Ipinaalala rin ni Rodriguez, na annulment of votes o pagpapawalang bisa, ang kahilingan ni Marcos sa PET noon pa mang Hunyo 29, 2016 nang isampa ng dating senador ang kanyang reklamong malawakang pandaraya laban sa kampo ni Robredo noong eleksyong 2016.
Idniin ni Rodriguez na kailanman ay hindi humiling ng failure of elections si Marcos sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao, sapagkat sa kontekstong iprinoklama na si Robredo ng
Commission on Elections (Comelec) ay malinaw na maling aksyon ang kahilingan o panawagang failure of elections.
Sa panibagong pagpapatahimik ng PET kina Marcos, Robredo, mga abogado at mamamahayag ay inaasahang matatagalan pang malaman ng publiko ang desisyon nito sa mosyon ni Marcos at ng OSG laban kay Leonen – at lalo na sa desisyon ng PET sa pagpapawalang bisa sa mga boto para sa pangawalang pangulo ng bansa sa tatlong lalawigan sa Mindanao.
Karapatan ng mga Pilipino
Idiniin ni Rodriguez, binabanggit lang ng kampo ni Marcos sa media ang kanyang kasong usad-pagong, sapagkat “[it is] the right of the Filipino people to know what is happening in the election protest of former Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. as they are the ultimate stakeholders whose interest in the resolution of this controversy is bar none and thus must, with delicate balance, be given access to general matters without dwelling on the merits”.
Nakasaad din sa Saligang Batas ang karapatan at kalayaan ng mamamayang Pilipino na malaman kung ano ang desisyon at aksyon ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang na ang Korte Suprema na siya ring PET ng Pilipinas.
Pagtitiyak pa ni Rodriguez, siya at si BBM mismo “have always maintained our obedience and respect to all of the Tribunal’s (PET) directive, including the order to refrain from discussing the merits of our case”.
Isang patunay rito ang hindi pagsagot ni Marcos sa tanong ng reporter ng Rappler hinggil sa totoong nilalaman ng kanyang protestang elektoral kung saan ipinaliwanag at iginiit niya na “annulment of votes” ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao ang kanyang kahilingan sa PET at hindi “failure of elections”.
167 