PINUNA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang listahan ng prayoridad ng mga proyekto ng Department of Budget and Management sa implementasyon ng General Appropriations Act.
Sa budget deliberations sa Senado, tinukoy ni Lacson ang ilang institutional amendments na kanilang ginawa sa 2020 national budget na hindi inilabas ng DBM at isinama sa ‘For Later Release’ label.
Kabilang dito ang ilang programa ng Department of Education partikular ang Last Mile Schools Program na pinaglaanan ng Senado ng P6.5 bilyon subalit hindi inilabas ng DBM.
Umaabot din sa P602.7 milyon ng P6.47 bilyon na pondo para sa School-based feeding program gayundin ang P107.5 milyon ng P2.1 bilyong pondo para sa Quick Response Fund ng DepEd ang isinama sa For Later Release.
Naisama rin sa For Later Release ang P2.87 bilyon na institutional amendment ng Department of Information and Communication Technology at ang P300 milyon ng Department of Science and Technology at ilan pang ahensya.
Umapela si Lacson sa DBM na igalang ang power of the purse ng Kongreso at ilabas ang mga inilaang pondo na inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Na-tag as FLR, effectively encroaching the power of the purse, it’s like 2nd wave of veto. We appeal to DBM kung pwedeng igalang naman ang power ng Congress sa budget. Nasa amin ang authorization baka naman pwedeng marespeto ang authorization phase, that’s ours,” giit pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
179 