BULACAN – Arestado ng mga awtoridad ang isang 42-anyos na ginang makaraang hatakin ang damit na halos mahubaran at saktan ang kanyang 13-anyos na anak na dalagita at nabistong kinukunan ng malalaswang litrato ng suspek at ibinibenta sa mga foreigner sa pamamagitan ng social media.
Agad namang nasagip ng mga awtoridad ang biktima sa Barangay Sta. Cruz 2, San Jose del Monte (SJDM) City sa lalawigang ito, noong Sabado.
Base sa report ni P/Lt. Col. Crizalde M. Conde, SJDM City Police chief, kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, kinilala ang suspek na Marilyn Pedrosa, 42, residente sa Barangay Sta. Cruz 2 ng nasabing lungsod, nahaharap sa kasong kriminal dahil sa ‘exploitation’ sa kanyang 13-anyos na anak na dalagita.
Nabatid na bandang alas-11:00 ng tanghali noong Biyernes nang mangyari ang insidente nang magpaalam ang biktima na lalabas ng kanilang bahay.
Ikinagalit umano ito ng suspek kaya hinatak ang damit at gustong hubaran ang dalagita saka sinaktan kaya nasugatan sa leeg ang biktima.
Isang concerned citizen ang humingi ng tulong sa tanggapan ni P/Lt. Col. Conde para sagipin ang dalagita sa malupit niyang ina.
Sa puntong ito, nabisto ng mga awtoridad na kinukunan ng malalaswang video at larawan ng kanyang ina ang dalagita at ibinibenta sa mga foreigner.
Kabilang umano sa binentahan ng ina ng malaswang larawan at video ng dalagita ang banyagang dating asawa ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong kriminal habang nasa pangangalaga na ng city office ng DSWD ang dalagita. (GINA BORLONGAN)
