PERSONAL akong nagtungo kasama ang buong tropa ng E-com Elite group na pinamunuan ni Nathan Villasis at Nald Santos sa Barangay Kasiglahan, Rodriguez, Rizal upang mamahagi ng relief goods na kinabibilangan ng bigas, instant noodles, sardinas, personal hygiene kit, diapers, face mask at mga gamot sa ubo at lagnat para sa 394 na pamilya.
Bagaman inaasahan naman namin na maraming mga pamilya ang aming maabutan sa naturang lugar na mabibigyan ng aming munting ayuda, ngunit hindi ko inaasahan na matutunghayan ko ang kalunos-lunos nilang sitwasyon.
Hindi ko mapigilan na mapaluha ng makita ko ang ilan sa mga mamayan na balot ng putik ang mga damit at pati katawan.
Ilan pa sa aking nakita na nakahilera sa kalsada ang mga Nanay na naputikan at may hawak na kaldero na nag-aabang ng magbibigay ng mga lutong pagkain.
Ayon nga sa aming mga naka-usap, ang aming grupo ang kauna-unahang nakapagdala ng relief goods sa kanilang lugar dahil ang mga nagdatingan sa kanila ay mga lutong pagkain ang dala para sa kanila.
Bagaman kailangan nila ng mga relief goods, ngunit sa aking pagtatantiya ay mas makakatulong pansamantala ang pagdadala ng mga lutong pagkain dahil karamihan sa kanila ay walang naisalba na kahit anumang kasangkapan para sila ay makapag-luto.
Lubhang nakakahabag ang sinapit ng mga taga Rodriguez Rizal lalo na kung personal mong makikita ang kanilang mga tahanan na lubog pa sa putik.
Ang nasabing barangay ay maituturing talaga na danger zone sa tuwing may malakas na ulan at bagyo dahil ito ay napapaloob sa pagitan ng bundok at ang mataas na bahagi ng Quezon City.
Ang kanilang sitwasyon ay hindi nalalayo o mas malamang ay di hamak na mas mabuti pa kung ikukumpara sa kinahantungan ng Tuguegarao na halos matabunan ng tubig ang buong munisipalidad.
Marami ang naghihimutok sa tila mabagal na pagbibigay ng ayuda ng ating gobyerno.
Nag-trending pa nga nga ang hashtag “Nasaan ang Pangulo.” Ngunit sa aking pananaw ay hindi ito ang panahon para galitin o pagpuyosin ang damdamin ng mamayang Pilipino laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil sa totoo lang, kung mayroon man dapat hanapin ang mamayan sa panahon ng mga kalamidad, ay yun ay ang mga kapitan ng Barangay, Alkalde, Gobernador at maging ang mga kongresista sa kanilang distrito.
Ngunit tulad nga ng aking naunang nabangit, hindi na ito panahon o oras para pa maghanapan kung sino ang dapat sisihin, bagkus, dapat ang bawat mamayan ay makibahagi sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo sa kahit na maliit na paraan ng pagtulong.
Sa palagay ko ay hindi kakayanin ng ating gobyerno ang makapag-abot ng tulong sa lahat ng mamayan na nasalanta ng bagyong Ulysses dahil sa sunod-sunod na trahedya na kinakaharap ng ating bansa.
Kabilang dito ang problema sa pandemya na dulot ng COVID 19, mga nasalanta ng bagyong Rolly sa probinsiya ng Bicol at iba pang karatig na probinsiya at ngayon naman ay ang mas malawak na nasalanta ng bagyong Ulysses.
-oOo-
Ang AKOOFW ay patuloy na nanawagan sa sinumang may mabubuting kalooban na ibig magpa-abot ng tulong pinansiyal para maipambili ng bigas, de lata at mga noodles para sa mga taga Rizal at Cagayan Valley. Maaring magpadala sa pamamagitan ng GCASH sa telepono 0956 846 7849 na may account name na Celerino U.
