QUEZON – Nakasagupa ng tropa ng gobyerno ang ilang miyembro ng New People’s Army habang nagsasagawa ng post-disaster response makaraan ang Bagyong Ulysses sa bayan ng Gen. Nakar noong Linggo.
Ayon sa report ni Capt. Jayrald Ternio, chief ng Public Information Office ng 2nd Infantry Division, habang nag-iikot ang tropa ng militar bandang alas-9:15 ng umaga sa Brgy. Pagsangahan ng nasabing bayan, muling naispatan ng mga sundalo ang pitong rebelde na nangingikil ng pagkain sa mga residente roon.
Nang kanilang sitahin ay nagpaputok umano ang mga rebelde na nauwi sa engkwentro.
Ayon kay BGen. Alex Rillera, commander ng 202nd Brigade, wala namang naiulat na nasugatan sa tropa ng pamahalaan.
“These ragtag band of armed opportunists engaged by the soldiers were on their way to beg food from the locals as they were also affected by the recent typhoons. We could have also given these terrorists relief goods if they asked for it instead of compelling the poor and vulnerable typhoon-stricken locals to provide the provisions for them,” pahayag ni Rillera.
Matatandaan, noong Huwebes, nakasagupa ng 85th Infantry Battalion ang grupo ng NPA-Southern Tagalog Regional Party Committee STRPC Platoon Sol at Japson, habang nagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) ang mga awtoridad sa Barangay Lahing sa bayan ng Macaleon. (CYRIL QUILO)
232 