Naaresto kasama ang lima pang drug personalities BITIN SA SAHOD NI MISTER, MISIS NAGBENTA NG SHABU

ANIM na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang isang ginang, ang arestado sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) investigator P/Cpl. Christopher Quiao, alas-12:40 noong Linggo ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Robin Santos, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Fernando Ortega, ang buy-bust operation sa #2012 Santos Subdivision, Gen. T. De Leon.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Racquel Dela Cruz, 40, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Dinamba rin ng mga operatiba si Jojit Paredes, 46, company driver; Joselito Karandang, 50, at Rainer Bautista, 47, electrician, nang maaktuhang sumisinghot ng shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang gramo ng shabu na P13,600 ang halaga, buy-bust money, P500 bill at ilang drug paraphernalia.

Nauna rito, alas-7:00 noong Sabado ng gabi nang madakma rin ng mga operatiba ng kabilang team ng SDEU, sina John Bernard Adriano, 25, at Jomar Marquez, 33, sa buy-bust operation sa Urrutia St., Gen. T. De Leon.

Ayon kay SDEU investigator, P/SSgt. Carlito Nerit Jr., nakuha sa mga suspek ang isang gramo ng shabu na P6,800 ang halaga, at P300 buy-bust money. (FRANCIS SORIANO)

170

Related posts

Leave a Comment