HINDI MAKALILIMUTAN NG MGA PILIPINO SI ULYSSES

BAGO dumating ang bagyong si Ulysses ay limang magkakasunod na bagyo ang ­naramdaman sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Dumating muna si Pepito at pagkatapos ay si Quinta. Nanalasa si Rolly sa Bicol region na ayon sa mga eksperto ay ang pinakamalakas na bagyong tumama sa mundo ngayong 2020.
Pagkatapos ay dumaan si Siony gayundin si Tonio.

Limang bagyo na talaga namang pinagdusahan ng mga Pilipino. Ang mga taga Bicol partikular na ang probinsiya ng Catanduanes at Albay ay hindi pa nakare-recover sa pait at hirap hanggang sa biglang dumating si Ulysses.

Mabilis ang mga naging pangyayari. Pinipilit pang maka-rekober ng mga kababayan natin sa nagdaang mga kalamidad pero heto si Ulysses na hindi nagpapigil sa kaniyang lakas.

Parang nagsama-sama ang limang nagdaang mga bagyo sa lakas at kasiraan na naidulot nitong si Ulysses.

Unahin na natin ang Marikina at ang mga bayan ng San Mateo at Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.

Dahil sa magdamag na pag-ulan na dala-dala ni Ulysses, ­muling umapaw ang ilog ng Marikina na naging sanhi ng matinding pagbaha.

Bumalik sa alaala ng mga taga-Marikina ang sinapit nila noong Ondoy na natala sa kasaysayan na bagyong nagdulot sa bansa ng malaking kasiraan.

Hanggang ngayon, wala pa rin supply ng kuryente at tubig sa ilang mga barangay sa Marikina at dalawang nabanggit na bayan.

Nililinis ang mga basura at putik na inanod ng malakas na agos ng baha at pumasok sa mga kabahayan ng ating mga kababayan.

Papalabas na si Ulysses pero nag-iwan pa ito ng isang malaking takot at pangamba pati na ­kasiraan lalo na sa mga probinsiya ng Cagayan at Isabela.

Halos mabura sa mapa ng Pilipinas ang dalawang nabanggit na probinsiya at ang pagtuturing ng marami ay mistulang ito ay naging Pacific Ocean na.

Marami ang nasawi, m­araming kabuhayan ang nasira, marami rin ang hindi alam kung paano babangon sa bigat ng pagsubok at hirap na pinagdaanan nila.
Hindi makapaniwala ang marami na sa gitna ng pandemya ay sinunod-sunod rin ng kalikasan ang kalamidad na tatama sa ating bansa.

Kaya hindi makalilimutan ng mga Pililino itong si Ulysses.

Ngayon ay muli tayong aasa sa kung ano ang kayang gawin ng mga nasa pamahalaan para makaligtas ang Pilipinas sa mga ganitong klase ng malalakas na kalamidad.

Hindi sapat na tayo ay maging ‘resilient’ lang. Kailangan ay gawin ng mga awtoridad na sa lahat ng pagkakataon ay maging handa upang hindi mauwi sa malalang kalagayan ang sitwasyon ng bansa.

Hindi rin dapat na maging paulit-ulit na lang ang trahedya dahil walang mga hakbang na nililikha ang gobyerno para ­isaalang-alang ang kaligtasan hindi lang ang buhay kundi maging ang kabuhayan.

Marami na ang mga nagdaang bagyo siguro sobra-sobra na ito para matuto na tayong lahat. Mula sa mga nasa ­gobyerno hanggang sa bawat isang mamamayang Pilipino.

146

Related posts

Leave a Comment