SIBAKAN SA KAMARA UMARANGKADA

HINDI tumupad si House Speaker Lord Allan Velasco sa pangako na hindi magkakaroon ng malawakang sibakan sa liderato ng Kamara nang magkaroon ng reorganisasyon ngayong gabi sa Kamara.

Tinanggal na bilang Deputy Speakers ang loyal allies ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na sina Batangas Rep. Raneo Abu, Laguna Rep. Dan Fernandez at Capiz Rep. Fred Castro.

Ipinalit sa kanila ang mga kaalyado ni Velasco na sina Buhay party-list Rep. Lito Atienza, Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez at Las Piñas Rep. Camille Villar.

Magugunita na si Atienza ang numero unong kritiko ni Cayetano sa kasagsagan ng agawan sa Speakership at siyang nagpadeklara na ibakante ang upuan ng Speaker sa session ng grupo ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza noong Oktubre 12.

Unang naging casualty sa pormal na pagpapalit ng liderato ng Kamara noong Oktubre 13, si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na sinibak bilang Deputy Speaker at ipinalit sa kanya ang loyal ally ni Velasco na si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon.

Inalis din bilang head ng contingent ng Kamara sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) si Kabayan party-list Rep. Ron Salo at ipinalit sa kanya si Caloocan City Rep. Dale “Along”

Malapitan habang pormal na inupo naman bilang chairman ng House committee on energy na dating pinamumunuan ni Velasco, si Pampanga Rep. Mikee Arroyo.

Binigyan naman ng karagdagang trabaho si ACT-CIS Rep. Eric Go Yap nang iluklok ito bilang vice-chair of the committee on accounts na pinamumunuan ni Presidential son at Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte.

Nag-resign din bilang Secretary General ng Kamara si Atty. Jocelia Bighani Sipin at agad na pinanumpa bilang kanyang kapalit si dating Batangas Rep. Mark Llandro “Dong” Mendoza.

Samantala, iniluklok si Velasco bilang caretaker ng unang distrito ng Cebu City matapos pumanaw ang kinatawan ng nasabing distrito na si Rep. Raul Del Mar. (BERNARD TAGUINOD)

136

Related posts

Leave a Comment