IKINATUWA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang utos ni Pangulong Duterte na pagpapatayo ng permanenteng evacuation centers, partikular sa mga lugar sa bansa na madalas bayuhin ng kalamidad, na kanyang isinusulong sa Senado para maisabatas.
Sa pahayag, sinabi ni Go, binanggit ng Department of the Interior and Local Government ang kawalan ng nasabing istruktura na kinakailangan sa panahon ngayon upang mailigtas ang mga bakwit o vulnerable Filipinos sa oras ng mga natural na kalamidad.
“It is high time that government consider … na we build strong structures, stronger than a typhoon, para mapuntahan ng mga tao,” ayon sa naging pahayag ng pangulo sa kanyang Talk to the People Address.
Sinabi ni Duterte na nais niya na ang evacuation facilities ay kumpleto sa kagamitan sa pagsasabing, “Maybe small rooms with many comfort rooms where people can really stay for a while.”
Sinusuportahan naman ito ni Sen. Go sa pagsasabing ito rin ang kanyang hinihiling at isinusulong sa pamamagitan ng inihain niyang panukalang batas sa Senate.
Ayon kay Go, hindi na ligtas na alternatibo na gawing tuluyan ng mga bakwit o relief shelter ang mga pampublikong paaralan sapagkat marami rin sa mga ito ang nalulubog sa baha kapag bagyo.
“Kaisa po ako sa panawagan ng Pangulo na magkaroon ng permanent evacuation centers sa iba’t ibang parte ng bansa. Nakita naman po natin ang matinding pangangailangan natin sa mga istrukturang ito na magsisilbing panandaliang tahanan ng mga Pilipino sa tuwing may bagyo o anumang natural disasters,” paliwanag ni Go.
Kaya naman muling umapela si Go sa mga kasamang mambabatas na tulungan siyang kagyat na maipasa ang inihaing Senate Bill No. 1228. Kapag naisabatas, obligado nang magtayo ang gobyerno ng evacuation center sa bawat lungsod, munisipalidad at probinsiya sa buong bansa. (ESTONG REYES)
189 