Kahit hindi magla-landfall PREEMPTIVE EVAC KASADO NA SA SUPER TYPHOON ‘BAVI’

INAASAHANG papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon “Bavi” nitong Martes ng gabi o Miyerkoles ng madaling araw, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 11:00 a.m. advisory ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,845 kilometro silangan ng Central Luzon, sa labas ng PAR.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 230 kilometers per hour habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Kapag nakapasok na sa PAR, papangalanan ang bagyo bilang “Inday.”

Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall sa kalupaan ng Pilipinas, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon dahil sa lakas ng bagyo.

Samantala, itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang heightened alert status bilang paghahanda sa posibleng epekto ng super typhoon.

Iniutos din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng whole-of-government approach upang matiyak ang kahandaan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang mga ahensya na magsagawa ng pre-disaster risk assessment meetings, ihanda ang mga response cluster, at tiyakin ang agarang pagpapatupad ng preemptive evacuation sa mga high-risk area.

Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking ligtas at maayos ang mga evacuation center, kabilang ang paghahanda ng hiwalay na lugar para sa mga alagang hayop at livestock.

Nakaposisyon na rin ang mga rescue team, relief goods at iba pang mahahalagang suplay, habang inatasan ang mga kinauukulang ahensya na tukuyin ang alternatibong mga ruta, inspeksyunin ang mga kritikal na imprastraktura, magpatupad ng sea travel ban kung kinakailangan, at tiyaking agad na matutulungan ang mga vulnerable sector.

PCG Naka-Heightened Alert

Nasa heightened alert naman ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon “Inday,” partikular sa National Capital Region, Northeast Luzon, Northwestern Luzon at Bicol Region.

Ayon sa PCG, inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations at Substation na ipatupad ang mga kinakailangang hakbang sa paghahanda at panatilihin ang mahigpit na koordinasyon sa mga local disaster risk reduction and management offices at mga local government unit upang maprotektahan ang mga baybaying komunidad at maritime stakeholders.

Sinabi ni PCG Acting Spokesperson Commander Michael John Encina na ipinatutupad na ng Coast Guard ang mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa ilalim ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE) campaign.

Kabilang sa mga hakbang ang agarang preemptive evacuation sa mga residenteng nasa high-risk coastal areas, pagpapalabas ng mga maritime advisory, pagsisiguro sa seguridad ng mga pantalan at iba pang pasilidad ng Coast Guard, at pagpoposisyon ng mga deployable response group para sa agarang pagresponde.

(CHRISTIAN DALE/JOCELYN DOMENDEN)

56

Related posts

Leave a Comment