Patutsada ng prosec sa kampo ni VP Sara 32M BOTO ‘DI LISENSYA PARA LUMABAG SA BATAS

BINIGYANG-DIIN ni House impeachment adviser at prosecution panel spokesperson Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang pagkakahalal sa puwesto sa pamamagitan ng 32 milyong boto ay hindi nagbibigay ng lisensya sa sinomang opisyal ng pamahalaan upang labagin ang batas.

Ginawa ni Barbers ang pahayag sa press conference matapos ang unang araw ng impeachment trial sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte.

Direkta itong tugon sa opening statement ng defense panel na pinangunahan ni lead counsel Atty. Sheila Sison, na iginiit na ang pagtatangkang patalsikin ang Bise Presidente ay salungat sa pasya ng mahigit 32 milyong Pilipinong bumoto sa kanya noong 2022.

Iginiit din ng depensa na mas mataas ang nakuhang boto ni Duterte kaysa sa kasalukuyang Pangulo at higit na mas marami kaysa sa pinagsama-samang boto ng mga miyembro ng Kamara na nagsampa ng impeachment complaint laban sa kanya.

Pumalag si Barbers sa naturang argumento.

“Hindi naman license ang 32 million votes na mag-commit tayo ng mga paglabag sa batas, lalung-lalo na kung ikaw ay isang public officer,” ani Barbers.

Ipinaliwanag niya na malinaw ang Saligang Batas sa pagtatakda ng mga accountability mechanism upang managot ang mga impeachable officials sa anumang paglabag sa batas o sa kanilang tungkulin.

Kinuwestiyon din niya ang paniniwalang sapat na batayan ang malaking bilang ng boto upang makaiwas sa pananagutan.

Itinanggi “Fishing Expedition”

Itinanggi naman ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro ang alegasyon ng kampo ng depensa ni Vice President Sara Duterte na nagsagawa ng “fishing expedition” ang Kamara sa imbestigasyon laban sa Bise Presidente.

“The House of Representatives never delved on a fishing expedition. Everything that we did is legal, constitutional, lawful,” pahayag ni Luistro sa press briefing matapos ang unang araw ng impeachment trial.

Bilang chairperson ng House Committee on Justice na nagsuri sa mga verified impeachment complaint, sinabi ni Luistro na sinunod ng komite ang lahat ng itinakda ng Saligang Batas, Rules of Procedure in Impeachment Proceedings at umiiral na jurisprudence.

“What we did are all in accordance with what is provided in the rules of impeachment, the Constitution, and even existing jurisprudence. We followed the rules to the letter,” dagdag niya.

Sa opening argument ng depensa, inakusahan ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison ang House justice panel na nagsagawa umano ng isang “mini-trial” at “fishing expedition” bago pa man maisumite sa Senado ang Articles of Impeachment.

Matatandaang pinangunahan ni Luistro ang pagdinig ng komite sa mga documentary evidence at testimonya kaugnay ng mga akusasyon laban kay Duterte.

Kabilang sa mga isyung tinalakay ng komite ang umano’y paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, pagkakaroon ng unexplained wealth, panunuhol sa ilang opisyal ng Department of Education (DepEd), at pagbabanta umano kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

(TINA MENDOZA)

33

Related posts

Leave a Comment