MAHIHIRAP AT VULNERABLE SECTOR PRAYORIDAD SA COVID-19 VACCINE

BUNSOD ng mga positibong development sa mga potensiyal na bakuna para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng mahusay na plano, komunikasyon at implementasyon ng national vaccination program upang magarantiyahan ang pagkakaroon ng pantay-pantay na access at sistematikong probisyon sa sandaling available na ang ligtas at epektibong bakuna para sa mamamayan.

Iginiit ni Sen. Go ang panawagan ni Pang. Rodrigo Duterte na gawing prayoridad ang mahihirap at mga taong vulnerable sa virus sa sandaling available na ang bakuna, at sinabing, “Huwag nating pabayaan ang mahihirap”.

“Pantay-pantay dapat ang access at hindi lamang ang mga may kaya sa buhay ang makakakuha ng vaccine na ito. Siguruhin nating magkaroon ng access ang mga pinaka-nangangailangan, lalo na ang mahihirap at vulnerable sectors. Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang pamilya nila,” anang senador.

Bukod sa pagtiyak na mayroong sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, nanawagan din ang senador sa pamahalaan na magkaroon ng full implementation ng nationwide information at education campaign hinggil sa vaccination plan.

“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan din dapat ng tamang impormasyon ang publiko ukol dito para maiwasan ang pagkalat ng fake news,” aniya pa.

Giit pa niya, “Hindi lang naman ito usapin ng pagkakaroon ng bakuna. Kailangang paghandaan din ang storage, logistics and transportation ng mga bakunang ito. Mahalaga na nakakaabot ang mga ito sa mga dapat makatanggap — kasama na dyan ang mga frontliners at mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng bansa.”

Bilang chairperson ng Senate Health and Demography Committee, hinikayat din ni Go ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) na planuhin agad ang sistematikong probisyon ng COVID-19 vaccine, lalo na at magkakaroon ng posibilidad na maging limitado lamang ang suplay nito dahil may sapat naman aniyang panahon upang maisagawa ito.

148

Related posts

Leave a Comment