HINIKAYAT ni Senador Imee Marcos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gamitin ang impluwensya nito para masimulan ang bagong paraan sa pagnenegosyo ukol sa paggawa, pag-patent, pagpresyo at pamamahagi ng mga bakuna kontra sa COVID-19.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang mga hindi developed na bansa ay nananatiling nakaabang na lang sa presyong dikta ng mga pharmaceutical company na humahawak ng patent ng mga bakuna.
Ayon kay Marcos, nagawa ng ASEAN na patibayin ang impluwensya nito bilang ‘trade bloc’ o pwersa sa pandaigdigang pangangalakal nuong ang sampung miyembro nitong bansa ay lumagda sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement nitong nagdaang linggo kasama ang non-member states na Australia, China, Japan, New Zealand at South Korea.
“Kailangan natin ng ‘global accord’ o kasunduan ng iba’t ibang bansa para sa bakuna kontra COVID-19, limitasyon sa presyo, sari-saring mga manufacturer at mga supply mula sa iba’t ibang mga bansa sa rehiyon,” ani Marcos.
Ani Marcos, dapat panghawakan ng ASEAN ang binitiwang pangako ng G20 noong Marso na “walang limitasyon sa pagsisikap, bawat indibidwal man o magkakasama, para protektahan ang buhay at siguruhin ang kabuhayan at pagkakakitaan ng mamamayan.”
‘Death sentence’
Samantala, itinuturing ng isang progresibong mambabatas sa Kamara na “death sentence”ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa mga karapatan ng mga manggagawa, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa lahat ng bansa sa Southeast Asian Nation.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, sa sandaling maipatupad ang RCEP na ito, lahat ng mga karapatan ng mga manggagawa na nakuha nila sa mahabang pakikibaka ay mabubura na.
“RCEP will trade away workers’ rights in the name of foreign investment. RCEP’s insidious provisions effectively limit the government’s regulatory power over foreign investors including on industrial policy, labor laws and wage hikes,” ani Gaite.
Sa ilalim ng RCEP, obligadong protektahan ng mga bansang ito ang mga investor mula sa China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.
“Sa oras na hindi masunod ang gusto ng mga kumpanyang ito, maaari tayong ihabla sa Investor-State Dispute Settlement o ISDS kung saan obligadong magbayad ang pamahalaan gamit ang kaban ng bayan,” ani Gaite base umano sa leaked text ng RCEP. (BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)
235
