NALAMBAT ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang tatlong Chinese national na hinihinalang mga kidnapper at nasagip ang biktimang Vietnamese-Chinese national sa unit P, Block 9, Lot 10-a, Hanin Town Subdivision, Brgy. Pampang Angeles City, noong Sabado, Nobyembre 21.
Ayon sa ulat, naglunsad ang mga operatiba ng PNP-AKG Local Field Unit, sa pangunguna ni P/Col. Villaflor S. Bannawagan, sa direct supervision ni P/BGen. Estomo, ng rescue operation sa koordinasyon ng PS2, Angeles CPS, na nagresulta sa pagkakasagip sa biktimang si Vong Cam Lan, at nadakip ang mga suspek na sina Rouhan Li, Qiang Zhang at Jing Li.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa base sa inihaing reklamo ng asawa ng biktima na si Law Wan Yuan, na iniulat sa PNP-AKG ang hinggil sa pagdukot ng mga suspek sa kanyang misis noong Nobyembre 18, dakong ala-1:00 ng hapon sa Jazz Mall Residences malapit sa Tower A Entrance sa Makati City.
Dinala umano ng mga suspek ang kanyang asawa sa Brgy. Pampang sa Angeles City at humingi ang mga suspek ng P161, 800 halaga ng ransom para sa agarang paglaya ng ng biktima.
Agad tinungo ng mga awtoridad ang nasabing lugar at nasagip ang biktima at nadakip ang mga suspek. (JESSE KABEL)
239



