Asawa’t anak sugatan SPD OFFICIAL PATAY SA AMBUSH

CAVITE – Dead on the spot ang isang opisyal ng Southern Police District (SPD) habang sugatan ang asawa at anak nito nang tambangan ng mga suspek na sakay ng isang SUV sa Imus City sa lalawigang ito.

Kinilala ang napatay na si Police Captain Ariel Ilagan, 48, may-asawa at kasalukuyang nakatalaga sa SPD, habang nilalapatan ng lunas sa Our Lady of Pilar Hospital ang asawa nito na si Mary Grace Ilagan, 48, empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA), at anak na si Audrey Gale Ilagan, 20, college student, pawang residente ng Block 1, Lot 12, Lakersfield Subd., Toclong, Kawit, Cavite

Inaalam naman ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sakay ng isang pulang Toyota Innova na tumakas matapos ang pamamaril.

Ayon sa ulat ni Corporal Jessie Villanueva ng Imus City Police Station,

minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Fortuner (AA05161) sakay ang kanyang asawa’t anak at papasok sa trabaho ngunit pagsapit sa panulukan ng Lakersfield Subd. at Alapan Road, Brgy. Alapan 1-B ng naturang lungsod ay pinagbabaril si Capt. Ilagan ng mga suspek na lulan ng Toyota Innova dakong alas-6:00 umaga nitong Lunes.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na pinasibad ng mga suspek ang sasakyan.

Namatay noon din si Capt. Ilagan dahil sa tama ng bala sa kanyang katawan habang tinamaan sa kanang kamay ang kanyang asawa at sa kaliwang hita ang kanyang anak.

Ayon kay Villanueva, hindi umano rehistrado ang sasakyang ginamit ng mga suspek base sa kanilang beripikasyon.

Inaalam pa ng Cavite Police ang posibleng motibo sa pananambang. (SIGFRED ADSUARA)

156

Related posts

Leave a Comment