KAMARA HUGAS KAMAY SA BUDGET

MISTULANG hugas kamay ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso sa alegasyon na nagtaasan ang budget sa distrito ng ilang kongresista nang magpalit ng liderato.

“We didn’t increase or decrease district allocations of any member,” ang mariing pagtanggi ni Deputy Speaker Doy Leachon sa alegasyong ito ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Base sa mga report, napuna umano ni Lacson na matapos palitan ni House Speaker Lord Allan Velasco si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ay may ilang districto ang nadagdagan ang pondo.

Si Velasco ang nagpasa sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.506 trillion noong Oktubre 16, 2020 matapos maagaw ang liderato kay Cayetano noong Oktubre 13, 2020.

“Nagpalit sila ng liderato. Nang nagpalit ang liderato napansin namin ang NEP (National Expenditure Program) isang distrito P9B, siguro medyo matibay ang distrito na ‘yan, paglabas ng GAB meaning under the new leadership, umabot ng P15B,” ani Lacson.

Hindi sinabi ni Lacson kung anong distrito ang nadagdagan ng P6 billion matapos palitan ni Velasco si Cayetano subalit itinanggi ito ni Leachon.

“If such allegations are true, pls look at the concerned districts if at all they’re allied with the current leadership. For sure they’re not. Granting they’re true,” ayon pa kay Leachon.

Unang ipinagtanggol ni House appropriation committee chairman Eric Yap ang malaking budget ng ilang distrito dahil sa 2021 national budget na kabilang umano sa build-build-build projects ng gobyerno.

Ayon kay Yap, hindi kasalanan ng isang kongresista kundi natapat sa kanyang distrito ang ilan sa mga big ticket (project) ng gobyerno na kailangang matapos kaya pinondohan ng malaki. (BERNARD TAGUINOD)

200

Related posts

Leave a Comment