AALISIN na sa mga Local Government Unit (LGU) ang pag-iisyu ng ID para sa Persons With Disabilities (PWDs) upang tanging ang mga may kapansanan lamang ang puwedeng magkaroon nito at makatanggap ng pribilehiyo.
Ito ang napagkasunduan sa virtual hearing ng Committee on Persons with Disabilities na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Marilou Arroyo kaugnay ng usapin sa nasabing PWD IDs.
Base sa nasabing pagdinig, napagkasunduan na amyendahan ang Republic Act (RA) 7277 o Magna Carta for Disabled Persons para isang ahensya na lamang ang mag-iisyu ng PWD IDs.
Unang isiniwalat ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap noong 2019 ang pang-aabuso ng ilang mayayamang tao sa PWD IDs dahil kahit walang kapansanan ang mga ito ay humihingi sila ng 20% discounts gamit ang nasabing ID.
Lalong uminit ang isyu nang mabuking na may isang pamilya ng Filipino-Chinese ang mayroong PWD IDs na nakakukuha ng 20% discount sa pagkain sa mga restaurant at iba pa nilang pangangailangan.
May mga alegasyon na madaling nakakukuha ng PWD IDs na iniisyu ng mga LGU dahil ibinebenta umano ito ng mga tiwaling empleyado at malalakas sa city at municipal hall.
“We need an official, credible, and unified registry for persons with disabilities. The lack of a standard and efficient system in acquiring PWD IDs enables those individuals who do not have a disability to take advantage of the benefits of the laws that are supposed to be granted only to legitimate persons with disabilities,” ani Arroyo.
Bukod dito, kailangan magpakita muna ng sertipikasyon mula sa Department of Health (DOH) ang isang PWD ID applicant upang maiwasan na magkaroon nito ang mga taong walang kapansanan. (BERNARD TAGUINOD)
403
