Kulelat mag-isip at magbigay ng suhestyon ‘LISTAHAN’ NI ROBREDO TABLADO SA PALASYO

TINABLA ng Malakanyang ang suhestiyon ni Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na maghanda ng inisyal na listahan ng makatatanggap ng bakuna laban sa COVID-19 bago pa magsimula ang pamimigay nito sa susunod na taon.

“Too late” ang suhestiyon ni Robredo, ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque dahil matagal nang nakahanda ang listahan ng potensiyal na recipients ng COVID-19 vaccines bago pa ito magbigay ng suhestiyon noong Linggo.

Tila ipinaalam pa ni Sec. Roque kay Robredo na ang priority groups ay kinabibilangan ng medical frontliners, mahihirap, militar at pulis.

“We don’t have to adopt the suggestion dahil meron na po kaming listahan,” giit ni Sec. Roque.

“Thank you very much again but again po a bit too late kasi si Presidente Duterte po 10 steps ahead,” dagdag na pahayag nito.

Kamakalawa nang ihayag ni Robredo ang kakulangan sa budget para sa vaccine storage equipment. Kasabay nito, hinikayat din niya ang mga awtoridad na mag-request ng karagdagang pondo para sa logistics.

Samantala, pabor ang mga senador na dagdagan ang pondo sa pagbili at pagpapatayo ng lalagyan ng coronavirus disease (COVID-19), ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Una nang naglaan ng P2.5 bilyon pondo ang pamahalaan upang ibili ng bakuna kontra COVID-19.

Samantala, pinalagan ni Sec. Roque ang ulat na binully niya ang mga anak ni Robredo makaraang banggitin niya ang mga komento nila sa social media na tila patungkol kay Pangulong Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, sinabi lamang nya na nagsalita ang mga anak ng bise presidente sa isyu ng #NasaanAngPangulo noong kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Ulysses sa bansa na malayo aniya sa pambu-bully.

Gayunman, dedma na lamang ang Malakanyang sa pasaring ni Robredo na binully ni Sec. Roque ang kanyang mga anak. (CHRISTIAN DALE)

218

Related posts

Leave a Comment