TINATAYA ng pamahalaan na magiging matagumpay ang antigen pilot testing sa bansa para mas lalong mapalakas ang local tourism na labis na tinamaan ng COVID-19 pandemic.
Ang antigen pilot testing ay kasalukuyang isinasagawa sa Baguio City.
Ang antigen testing ang nakikita ngayon bilang mura at mabilis na alternatibo sa RT-PCR testing, na kabilang sa requirements para sa nagnanais na bisitahin ang travel destinations na binuksan na sa publiko.
“Pag nadeklara na successful itong antigen testing ay mapapabilis po talaga ang ating turismo kasi yung antigen po mabilis at mas mura,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Reaksyon naman ito ni Sec. Roque sa obserbasyon na may mangilan-ngilan ang tila nagsasamantala sa muling pagbubukas ng ilang tourist spots na kinabibilangan ng Baguio City at Boracay Island — matapos ang ilang buwan na pagkakasara nito dahil sa komplikadong requirements na itinakda ng mga awtoridad.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kagustuhan si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa antigen test lalo pa’t ang resulta nito ay ilang minuto lang at nailalabas na.
Samantala, sa sitwasyon sa Baguio City ay sinabi ni Sec. Roque na nananatili itong “under control” sa kabila ng napaulat na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases doon.
Aniya, ang mataas na kaso ng COVID-19 sa Benguet ay maaaring nakapag-ambag sa bilang sa Baguio City.
HIGIT 400K CASES
Sa kabilang dako, umaabot na sa 418,818 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, base sa ulat ng Department of Health (DOH).
Ito ay kasunod ng naitalang 1,968 na mga bagong kaso ng sakit.
Pinakamarami umano sa nai-report na new cases sa Cavite na nasa 107. Sinundan ng Quezon City (97), Davao City (86), Laguna (84), at Quezon province (77).
Nabawasan naman ang bilang ng active cases na ngayon ay nasa 24,209 dahil sa time-based tagging ng Oplan Recovery. (CHRISTIAN DALE)
156
