DUTERTE APRUBADO ANG ADVANCED PAYMENT SA COVID VACCINE

KINUKONSIDERA na lang ng Malakanyang na investment ang gagawin nitong pagbibigay ng advanced payment sa mga kumpanyang kukunan nito ng bakuna kontra COVID-19.

Tugon ito ni Presidential spokesman Harry Roque ngayong may basbas na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maglagak ng paunang pambayad ang gobyerno sa pagkukunan nito ng bakuna.

Aniya, hindi nila iniisip na kita ang habol ng mga kumpanyang nagtatakda ng advanced payment policy dahil alam nilang namuhunan na rin ito sa kani-kanilang research and development.

Kaya ang Pilipinas aniya bilang bansang nagnanais na makakuha ng vaccine sa corona virus ay kailangan din namang mamuhunan sa research and development na isinasagawa ng manufacturers.

o0o

SAPAT NA STORAGE
FACILITIES TINIYAK

SINIGURO ng Malakanyang na may sapat na pasilidad na mapaglalagakan ang pamahalaan ng mga bakunang aangkatin nito sa ibang bansa.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sakali mang kulangin ang inihahandang imbakan ng vaccine ng gobyerno ay naririyan naman ang mga nasa pribadong sektor.

Sa katunayan, ayon kay Roque ay may nakausap na siyang asosasyon ng mga cold storage na aniya’y handang-handang makipagtulungan sa pamahalaan.

Naririyan din aniya ang cold storage facilities ng mga pharmaceutical companies na pwedeng pagdalhan sa mga mai-import na COVID vaccine.

o0o

3 OPISYAL ITINALAGA NI PDU30

MAGKAKASUNOD na pinangalanan ng Malakanyang ang mga bagong opisyal na itinalaga ni Pangulong Duterte sa iba’t ibang pwesto sa pamahalaan nitong Martes, Nobyembre 24, 2020.

Kinumpirma ng Malakanyang ang pagkakatalaga ni Pangulong Duterte kay Gilbert DC. Cruz bilang Permanent Member ng Dangerous Drugs Board.

Ang laban sa ilegal na droga ay centerpiece program ng Duterte Administration kaya, kinukonsidera ng Malakanyang na ang pagkakatalaga kay Cruz ay “timely and relevant” sa kanyang dating trabaho sa Philippine National Police.

Kasabay nito ay tinintahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang appointment paper ni dating pangulo at dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo bilang Presidential Adviser on Clark Flagship Programs and Projects, na may compensation rate na One Peso (P1.00) per annum.

Ang karunungan at malawak na karanasan umano ni Arroyo bilang dating lider ng bansa, samahan pa ng kanyang “great concern” sa kanyang lugar sa Pampanga, ay magiging mahalaga sa pagtulong nito sa administrasyon pagdating sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at proyekto upang gawing susunod na premier metropolis of Asia ang Clark.

Bukod dito, kinumpirma rin ng Malakanyang na nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment ni Warren Rex Hernandez Liong bilang Overall Deputy Ombudsman para sa 7 taong termino.

Matatandaang makailang ulit na binabanggit ng chief executive ang kaakibat na kahalagahan ng “transparency, accountability at efficiency.”

” We are confident that Mr. Liong similarly share these ideals as our quest for good governance remains and uncompromising,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

169

Related posts

Leave a Comment