OPISYAL nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkoles, Hulyo 8, si dating Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Benhur Abalos Jr. bilang Cabinet Secretary (CabSec), ayon sa anunsyo ni Claire Castro, Undersecretary at Palace Press Officer ng Presidential Communications Office.
Nagsilbi bilang Kalihim ng DILG si Abalos mula 2022 hanggang 2024.
Matatandaang binuwag ni Pangulong Marcos noong 2022, sa pamamagitan ng Executive Order No. 1, ang Office of the Cabinet Secretary na dating pinamunuan nina Karlo Nograles at Melvin Matibag.
Ayon sa Pangulo, layunin ng hakbang na makatipid at maiwasan ang pagdodoble ng mga tungkulin sa pamahalaan.
Inilatag naman ni Castro ang ilan sa magiging mandato ni Abalos bilang Cabinet Secretary.
Kabilang dito ang pagtulong sa Pangulo sa pagbibigay ng napapanahon, makabuluhan at strategic advice kaugnay ng mga umuusbong na national, local at international issues na may epekto sa political landscape.
Bukod dito, magsisilbi si Abalos bilang pangunahing ugnayan ng Pangulo sa mga national government agencies, local government units, political organizations, civil society organizations at sectoral groups sa mga usaping may kinalaman sa political concerns, ayon sa maaaring iatas ng Pangulo.
Magsisilbi rin siya bilang pinuno ng Strategic Action and Response Office at magsasagawa ng supervision at control sa mga constituent offices nito.
Inaasahan namang manunumpa si Abalos sa kanyang bagong tungkulin sa harap ni Pangulong Marcos sa Malacañang.
(CHRISTIAN DALE)
59 