NAPATAY ng mga tauhan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group-Albay ang isang lalaking itinuturing na most wanted person sa Region 4A, sa inilunsad na law enforcement operation sa bayan ng Daraga, habang nadakip ang dalawang kasamahan nito.
Kinilala ng mga awtoridad ang napaslang na si Rodel Millena Llorera, 46, no. 1 most wanted person ng Calabarzon Police, wanted sa kasong direct assault with murder at direct assault with attempted murder kaugnay sa isang insidente sa Tanay, Rizal noong 2018.
Nagkasa ng pag-aresto ang mga awtoridad laban sa suspek sa Barangay San Ramon bandang alas-9:00 ng gabi, kabilang ang PNP-CIDG Albay, CIDG PFU, Daraga MPS, RIU5-PIT3 at PIT4, 502nd RMFB 5, APMFC 2nd Coy, at SWAT RMFB5, sa pakikipag-ugnayan sa Tanay, Rizal Municipal Police Station, noong Sabado ng gabi sa Purok 4, Sitio Banacian, Brgy. San Ramon, Daraga, Albay.
Ayon kay Lt. Col. Ronnie Fabia, hepe ng Daraga Police, nakiusap sila sa suspek na sumuko ngunit nagmatigas ito.
Kahit napalilibutan na umano ng mga pulis, tinangka ni Llorera na tumakas at tinutukan ng baril ang isa sa mga awtoridad.
Nang hindi umano pumutok ang baril, kinuha ni Llorera ang isang dalang granada ngunit inunahan na siyang barilin ng mga pulis.
Hinuli rin ang dalawang kasamahan ni Llorera na idinadawit sa ilegal na mga aktibidad ng Llorera crime group, na kinilalang sina Felimon Madridano at Honeybee Boneo.
Kabilang sa modus ng mga suspek ang robbery hold-up at gunrunning activities sa area ng Tanay sa lalawigan ng Rizal, at sa mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur. JESSE KABEL)
289 