IBINIDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na umabot sa 3,336 illegal loggers ang nasakote ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa mula Enero hanggang Oktubre ng taong kasalukuyan.
Inilabas ng DILG ang datos upang ipakitang hindi pabaya ang PNP sa isa sa mga trabaho nito laban sa iba’t ibang klaseng kriminalidad.
Ang ilegal na pagtotroso ay isa sa mga krimen sa bansa.
Ang mga nahuli, ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, ay resulta ng 6,710 operasyon ng PNP habang umabot sa kabuuang 3,663,173 board feet ng mga kahoy ang nabawi mula sa mga nagtotroso.
Umabot naman sa 1,145 kaso ang isinampa sa iba’ ibang korte, susog ni Malaya.
Sa kabila nito, inamin ni Malaya na “There are still many violators of our environmental laws”.
Ang ilegal na pagtotroso ang isa sa pinaniniwalaang mga dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang rehiyon sa bansa nang magkakasunod na rumagasa ang mga bagyo sa Luzon.
Ang pinakamatindi sa mga bagyo ay ang “Ulysses” na nagpalubog sa ilang barangay sa Lungsod ng Marikina, maraming barangay sa mga bayan ng Rodriguez at San Mateo sa lalawigan ng Rizal, at maraming bayan sa Rehiyon ng Cagayan.
Ang iba pang pinaniniwalaang rason sa malawakang pagbaha ay ang illegal quarrying at pagmimina.
Sa kabila ng nagawa ng PNP laban sa ilegal na pagtotroso, magpupulong ang pamunuan ng DILG at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magbalangkas ng malinaw na plano upang paigtingin pa ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal logging at illegal quarrying, pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año.
Idiin ni Malaya, sina Año at DENR Secretary Roy Cimatu ay nagkaisa “to mobilize all resources to stop the further destruction of our remaining forest resources”.
Ang pagsasanib-puwersa ng DILG at DENR ay nakabatay sa Executive Order No. 23 (EO 23) na inilabas noong 2011. (NELSON S. BADILLA)
828 