SIMULA nitong Lunes, Disyembre 7, ang ValTrace App ng Valenzuela City at PasigPass QR codes ng Pasig City ay maaari nang gamitin para makapasok sa mga establisyemento sa dalawang lungsod sa paglalayong pag-isahin ang digital contact tracing solutions ng dalawang lokal na pamahalaan.
Ayon sa pahayag ng Valenzuela City, sa panahong ang krisis sa kalusugan ay pambansang alalahanin, ang pamahalaan ng Pasig at Valenzuela ay magkatuwang sa pagpapadali ng mga solusyon para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ito ay sa pamamagitan ng pinagdugtong na mga sistema at pinakamainam na mga gawain upang matiyak na hindi masasayang ang contact tracing efforts at mga solusyon ng mga lokal na pamahalaan.
Ang paggamit ng “No QR Code, No Entry” ay nakagawian na ng mga Valenzuelano sa pagpasok sa mga establisyemento sa lungsod.
Ang contact tracing forms ay itinuturing nang “thing of the past” dahil ang paggamit ng QR codes ay mas madali, mabilis at ligtas.
Sinisimulan na ring ipatupad sa Pasig City ang ganitong inisyatibo matapos makita ang benepisyo ng mga ginagawa sa Valenzuela para sa epektibong contact tracing.
“Napatunayan natin dito sa Valenzuela na mayroon naman palang efficient, mabilis, safe at kumbiniyente na paraan ang contact tracing. Hindi na natin kailangang ma-hassle at hindi na rin natin kailangang matakot sa paggamit ng ating data sa maling paraan,” sinabi ni Mayor Rex Gatchalian sa paglulunsad ng interconnection agreement kamakailan.
Ang laban ng mga lokal na pamahalaan sa COVID-19, na siyam na buwan na ang community quarantine, ay nagbunga ng “shared practices and solutions” sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at isang patunay nito ang pagpasok ng Pasig City at Valenzuela City sa Data Sharing Agreement at Memorandum of Agreement sa paggamit ng QR codes para sa wastong pag-monitor at contact tracing ng COVID-19 patients sa dalawang lungsod.
“May good news kami sa inyo na handog ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela at ng lokal na pamahalaan ng Pasig. Sa pamumuno ni Mayor Vico Sotto, nag-ugnayan ang dalawang lokal na pamahalaan kung saan ili-link natin ang ating dalawang sistema. So ibig sabihin, ‘yung QR code mo ng ValTrace, magagamit mo na sa establisyimento sa Pasig,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng kasunsudan, pagsasanibin ang ValTrace App at PasigPass upang matiyak na ang dalawang lungsod ay magkakaroon ng mas epektibo at episyenteng mga hakbang sa pagsugpo sa pandemya sa pamamagitan ng paggamit ng ValTrace QR code para pumasok sa mga establisyemento sa lungsod at vice versa. (ALAIN AJERO)
314
