ARESTADO na ang suspek sa pagpatay sa abogado ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Atty. Luis Wee.
Kinumpirma ni Atty. Ferdinand Lavin, Deputy Director at tagapagsalita ng NBI, nadakip ang suspek dakong alas-11:00 ng gabi noong Martes.
Hindi nagbigay ng iba pang mga detalye o pangalan ng nahuling suspek ang opisyal, ngunit sinabi ni Atty. Lavin na nagsasagawa na ng follow-up operations hinggil dito.
Magugunitang si Atty. Wee, 51-anyos, ay tinambangan noong Nobyembre 23, 2020 sa Cebu City.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ang pagpaslang kay Wee.
Iniutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa NBI ang masusing imbestigasyon sa krimen.
Kabilang sa malaking mga kaso na hinawakan ni Wee ay ang kaso ng mga opisyal ng DPWH hinggil sa overpriced na lamp posts sa Cebu City na inilagay para sa ASEAN 2007.
Mariin namang kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang kaso ng pagpatay sa abogado kasabay ang panawagan ng hustisya. (RENE CRISOSTOMO)
174
