BATANGAS – Binawian ng buhay ang isang ginang habang sugatan ang dalawang kaanak nito matapos salpukin ng isang pick-up na minamaneho ng isang babae, ang kanilang bahay sa bayan ng Nasugbu sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga, Disyembre 10.
Agad nalagutan ng hininga ang biktimang si Lolita Viado dahil sa grabeng pinsala sa kanyang katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa Metropolitan Hospital sa nasabing bayan ang magkapatid na sina Jenelyn Bautista Binsol, 30, at John Adrian Bautista Binsol, 15-anyos.
Batay sa report ng Nasugbu Police, nag-uusap ang tatlo sa harap ng kanilang bahay sa gilid ng national highway sa Sitio Pinamuntasan, Brgy. Aga nang bigla salpukin ng Toyota Hi-Lux na minamaneho ng negosyanteng si Gregoria Anico Pagsisihan, 50-anyos.
Ayon kay Anico, nawalan siya ng kontrol sa manibela dahil umiwas siya sa kasalubong na truck na sumakop sa kanyang lane.
Gayunman, ayon sa Nasugbu police, tumanggi nang magsampa ng demanda ang mga biktima at pumayag na lamang sa amicable settlement sa driver ng pick-up na nangakong sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing sa namatay at pagkaka-ospital ng mga nasugatan sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
