KUMAMBYO ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa una nilang pahayag na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa napabalitang pagpapabakuna ng umano’y ilegal at smuggled COVID-19 vaccine sa ilang kasapi ng Presidential Security Group noon pang buwan ng Setyembre subalit nalantad lamang kamakailan.
Ito ay kasunod ng pahayag ng kanilang commander-in-chief na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi niya padadaluhin o pagsasalitain ang mga kasapi ng PSG sakaling ipatawag ng legislative branch kasunod ng komento na posibleng lumikha pa ito ng minor crisis.
Kahapon ng umaga, inihayag ng AFP na pansamantalang itinigil ang nakatakda sanang fact-finding investigation para sa mga tauhan ng Presidential Security Group na nagpaturok ng hindi aprubadong COVID-19 vaccine.
“The AFP Chief General Gilbert Gapay has called-off the scheduled fact-finding investigation today (kahapon) on the vaccination of some PSG personnel. This comes in the light of the recent pronouncement of the Commander-in-Chief and President Rodrigo Duterte,” pahayag ni AFP Spokesperson MGen. Edgar Arevalo.
Bago ito, umapela si Duterte sa Kongreso na huwag pilitin ang mga tauhan ng PSG na tumestigo at depensahan ang kanilang pagpapabakuna laban sa COVID-19 dahil ginawa ito ng mga PSG personnel bilang “self-preservation.”
‘DI IPATATAWAG
SA SENADO
Samantala, tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na hindi ipatatawag ang hepe ng Presidential Security Group (PSG) kahit ituloy ang imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole hinggil sa plano ng pamahalaan na pagbili at distribusyon ng bakuna laban sa corona virus 2019 (COVID-19).
Sa panayam, sinabi ni Sotto na hindi pagtutuunan ng atensiyon ang paggamit ng PSG ng hindi awtorisado at posibleng inismagel na COVID-10 vaccine.
Bagkus, aniya, pagtutuunan ng pansin ang P72. 5 bilyong badyet sa pagbili, pag-iimbak at distribusyon ng bakuna alinsunod sa pangako ng pamahalaan na pababakunahan ang buong populasyon na magsisimula sa Mayo 2021.
“Yes tuloy. Bakit? Sino nagsabi sa presidente na PSG ang topic sa Lunes? Roadmap ng P72.5 [billion] ang topic!” ayon kay Sotto sa tanong ng reporter.
Sinabi pa ni Sotto na bilang chairman ng Senate committee of the whole, wala siyang binabagong intensiyon ng imbestigasyon na nakapokus sa pagbili at distribusyon ng bakuna tulad ng pagpapatawag sa PSG.
Kamakailan, pinagbawalan ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng PSG na ilantad ang impormasyon hinggil sa kanilang paggamit ng bakuna.
“If they ask you questions, sabihin ko talaga sa kanila, do not answer. And maybe even I will not allow them to appear in Congress. Makakanood tayo dito ng, not really a crisis, but there will be a nasty thing that will transpire,” giit ng pangulo. (JESSE KABEL/ESTONG REYES)
