UMABOT sa 24,700 pekeng senior citizens ang nadiskubre ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nakarehistro sa lungsod.
Ang mga pekeng senior o ‘non-existent’ ay nagdudulot umano ng pagkawala ng halos P148 milyon sa kaban ng lungsod taon-taon.
Ayon sa alkalde, ang mga pekeng senior citizen ay missing o ‘non existing senior citizens’ na siyang dahilan ng pagkaantala sa paglalabas ng PayMaya cards dahil nililinis na ng Office of the Senior
Citizens’ Affairs (OSCA) na pinamumunuan ni Marjun Isidro ang kanilang mga talaan.
Ang pagbubunyag ni Yorme ay bunsod ng naganap na raid kamakailan sa Binondo kung saan nakumpiska ang mga bogus na P1,000 bills, passport at ilang fake senior citizens’ identification cards.
“Kaya na-delay…nasakripisyo mga senior citizens. Kaya kami nag-manual nung Pasko. Nalaman naming mahigit 24,000 ang fake na pangalan. Pag hinayaan namin, matatapon na parang bula ang pera ng gobyerno,” pahayag ng alkalde.
Napuna ni Moreno na ang P500 monthly financial assistance na binibigay sa mga senior citizen kung mapupunta sa may 24,000 fake seniors ay mangangahulugan ng pagkaluging aabot sa P12 milyon kada buwan at P148 milyon kada taon sa pondo ng pamahalaan.
“Kaya di n’yo ko masisisi na maging masinop dahil bago pa ako mag-mayor, inabuso ito (OSCA IDs). Pineke nang pineke..kaya nga sinisinop ko, pero kahit pano ni-release namin manual,” dugtong pa ni Moreno.
Sa kasalukuyan, may 85,000 senior citizens na ang nabigyan ng PayMaya cards habang 60,000 pa ang pinoproseso.
Sa inisyatibo ni Moreno at buong suporta ng Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer at majority floorleader Atty. Joel Chua, mayroong social amelioration package na nagbibigay ng cash assistance sa iba’t ibang sektor sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)
