CHA-CHA WALA SA AGENDA – MALAKANYANG

HINDI bahagi sa ngayon ng anomang pulong sa Malakanyang ang usapin ng Charter change o Cha-cha.

Ayon kay Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office at Palace Press Officer, hindi pa ito nabibigyan ng pansin sa alinmang meeting.

“Sa ngayon po, hindi po iyan napag-uusapan sa anomang pagpupulong,” ani Castro. “Hindi po nabibigyan ng pansin kung anoman po ang suhestiyon patungkol sa Charter change sa ngayon.”

Sinabi niyang ikokonsidera lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu kapag may malinaw nang konteksto at nilalaman na ihaharap sa kanya.

“So, kung mailalatag po nila kung ano ang nilalaman nito, saka pa lamang ito bibigyan ng pagkonsidera ng Pangulo. Pero sa ngayon, wala po talagang napag-uusapan tungkol diyan,” dagdag niya.

Tumanggi rin si Castro na magsabi kung susuportahan ng Pangulo ang panukala sakaling umabot ito sa plebisito, iginiit na depende ito sa magiging laman ng proposed amendments.

(CHRISTIAN DALE)

15

Related posts

Leave a Comment