TODO paliwanag ang Malakanyang kung bakit hindi kasama ang bansang China sa listahan ng mga bansang saklaw ng travel restriction matapos mapaulat na ang bagong coronavirus variant ay na-detect sa East Asian nation.
Ang ibinigay na katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque ay naghihintay pa sila ng opisyal na kumpirmasyon mula sa kagalang-galang na international agencies.
“Antayin po natin ang confirmation at kung mayroon naman pong confirmation ay isasali rin sila sa listahan. As of now wala pa pong confirmation,” ani Sec. Roque.
Nito lamang Enero 1, ibinalita ng China’s state-run broadcaster CGTN na ang bagong variant ay na-detect sa isang babaeng estudyante na bumalik ng China mula United Kingdom, kung saan unang natuklasan ang nasabing variant, ayon sa Chinese Center for Disease Control.
Nauna nang nagpatupad ng travel restrictions ang Pilipinas sa UK matapos mapaulat ang maraming bilang na nahawaan ng bagong coronavirus variant noong Disyembre 24.
Ang mga bansang kasama sa listahan ng travel restrictions ay kinabibilangan ng : Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, United States, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil. (CHRISTIAN DALE)
