DEDBOL ang isang construction worker matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek na sakay sa isang motorsiklo sa Malabon City noong Biyernes ng hapon.
Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Marlon Santiago, 20, ng #87 Acero St., Brgy. Tugatog.
Ipinag-utos naman ni Malabon Police chief, Col. Angela Rejano sa kanyang mga tauhan ang follow-up investigation para sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek.
Ayon sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal at P/Cpl. Michael Oben, dakong alas-1:00 ng hapon, naglalakad ang biktima sa Plata St., Brgy. Tugatog patungo sa kanyang trabaho nang lapitan ng gunman at walang sabi-sabing pinagbabaril sa katawan.
Matapos ang pamamaril, naglakad ang gunman patungo sa kanyang kasama na nagmamaneho ng kanilang getaway na motorsiklo at mabilis na tumakas. (FRANCIS SORIANO)
