NORTH COTABATO – Pinabulagta ng ‘di pa kilalang gunman ang alkalde sa bayan ng Libungan sa lalawigang ito, at ang driver nito sa pamamagitan ng pamamaril bago magtanghali nitong Lunes sa Brgy. Cabaruyan sa nasabing bayan.
Kinilala ang napatay na si Mayor Aming Cuan, 46-anyos at ang kanyang driver na si Edwin Navarro Ihao, 36-anyos, residente ng Poblacion ng nasabing bayan.
Batay sa ulat ng pulisya, mag-aalas-11:00 ng umaga, kararating lamang umano ni Mayor Cuan sa Libungan mula sa Davao City at dumiretso sa ginagawang bagong Libungan Cockpit Gallera sa Barangay Cabaruyan.
Ngunit sinundan ang mga biktima ng asul na SUV na may apat na sakay at pinagbabaril ang sasakyan ng alkalde gamit ang matataas na kalibre ng baril tulad ng M-16 rifle.
Una nang pinagtangkaan noong nakalipas ng taon, ang buhay ng alkalde ngunit hindi ito tinamaan ng bala mula sa sniper.
Minsan na ring lumabas ang pangalan ng alkalde sa drug watchlist ni Pangulong Duterte ngunit mariin itong itinanggi ng napaslang na mayor. (BONG PAULO)
