PIPILITIN ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang tinatayang apat na milyong Bulakenyo.
Ito ang naging pahayag ni Governor Daniel Fernando sakaling magkaroon na ang bansa ng bakuna laban sa COVID-19, upang matiyak na ligtas ang kanyang mga kababayan laban sa nakamamatay na virus.
Sinabi ng opisyal, sa tulong ng mga local government unit ng bawat lungsod at munisipalidad sa Bulacan at ayudang manggagaling sa pamahalaang nasyonal at ng Bulacan provincial government, pipilitin nito na mabakunahan ang tinatayang 4 milyong populasyon ng lalawigan.
“Inaantay pa namin ang feedback from the cities and municipalities, and from the national as well para malaman namin kung ilan ang total vaccine na ia-allocate ng provincial government, pero definitely, ay pipilitin natin na bawat isang Bulakenyo, na halos apat na milyon ay magkakaroon ng bakuna,” ayon kay Fernando.
Kamakailan ay inaprubahan na ang inilaang P6 bilyong budget ng kapitolyo para sa taong 2021 at dito na rin manggagaling ang ‘share’ ng provincial government ng Bulacan sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19, ang tanging hinihintay na lamang ay ang feedback mula sa 21 munisipalidad at tatlong lungsod. (ELOISA SILVERIO)
178 