MAKATI POLICE INIIMBESTIGAHAN SA DACERA CASE

SINIMULAN na ng Philippine National Police-Directorate for Investigative and Detective Managament (PNP-DIDM) ang imbestigasyon sa mga tauhan ng Makati City Police na nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Layon ng iniutos na imbestigasyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas na malaman kung nagkaroon ng lapses ang mga imbestigador.

Sa press conference sa Camp Crame kahapon, sinabi ni Sinas na binibigyan niya ang DIDM ng hanggang Miyerkoles (January 13) para tapusin ang imbestigasyon sa mga pulis sa Makati.

Matatandaang agad inilabas ng Makati police na ginahasa at pinatay si Dacera kahit wala pang nakukuhang matibay na ebidensya.

Bago ito, inutos din ni Sinas na paganahin ang Special Investigation Task Group kay Dacera na pinamumunuan ng PNP-CIDG para mas matutukan ang kaso.

Ayon naman kay NCRPO Chief General Vicente Danao Jr., mas magiging masusi ang imbestigayson sa ngayon at mas maigi aniyang hintayin na lamang ang resulta nito.

Kasabay nito, tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na hindi lalagpas ng isang linggo ay maipalalabas na ang forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI ) sa labi ni Dacera.

Tumanggi namang magbigay ng iba pang detalye ang DOJ dahil hinihintay pa nila ang naging resulta ng pagsusuri.

Samantala, umaapela ang 11 respondents sa kaso ni Dacera ng donasyon sa publiko para ipambayad sa kanilang mga abogado.

Ayon kay Valentine Rosales, isa sa malapit na kaibigan ni Dacera, hirap siya at ang kanyang mga kaibigan na magbayad para sa abogado na tutulong para depensahan sila sa kaso.

Umani naman ito positibong reaksyon sa publiko. Gayunman, wala pang prominenteng tao o indibidwal na nangako ng tulong sa mga ito. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

137

Related posts

Leave a Comment