MAGTATAYO ng bagong grupo ang mga dating lider ng mababang kapulungan ng Kongreso na inalisan ng poder ni House Speaker Lord Allan Velasco na tatawaging “BTS sa Kongreso”.
Sa advisory ng tanggapan ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, pormal na ilulunsad ngayong araw, Huwebes ang kanilang grupong “BTS” sa Kongreso”.
“Ang ibig lang naman naming sabihin doon, Back To Service Congress kaya BTS sa Congress,” ani Cayetano. Puwede rin umanong tawaging “Bayanihan Tapang at Serbisyo at wala umanong pulitika dito dahil wala itong ipinagkaiba sa Spice Boys noon sa Kongreso.
Bukod kay Cayetano, kasama sa BTS sa Kongreso sina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, (miyembro ng Spice Boys), Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, Laguna Rep. Dan Fernadez, Batangas Rep. Raneo Abu, Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado at Capiz Rep. Fred Castro.
Sina Villafuerte, Fernandez, Castro at Abu ay mga dating Deputy Speaker na tinanggal ni Velasco nang maging Speaker ito habang sina Defensor at Sy-Alvarado ay inalis naman bilang chairman ng House committee on public accounts at committee on good government ang public accountability, ayon sa pagkakasunod.
Ang BTS o Bangtan Boys ay isang K-pop group na sikat ngayon sa mga kabataan.
“Maybe you can call us independent majority. I don’t want to say we’re against Velasco. We would just be more critical of certain issues and legislation,” ani Villafuerte.
Tiniyak ng mambabatas na kung mayroon silang nakikitang mali sa pamamalakad ng bagong administrasyon sa Kamara ay magsasalita sila subalit suportado umano ng mga ito ang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Kongreso ay babalik sa kanilang trabaho sa Enero 18, 2021 matapos ang isang buwang bakasyon at inaasahan na magiging aktibo umano ang nasabing grupo sa plenaryo. (BERNARD TAGUINOD)
