PATULOY pa ring nananalasa ang African swine flu (ASF) sa industriya ng baboy sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Nabatid ito batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI). Ngunit hindi na ito kasing bagsik tulad noong 2019, wika ng DA.
Noong 2019, maraming baboy ang pinatay sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa biglang pagkakaroon ng ASF sa bansa.
Milyon-milyon ang nawalang kita ng mga negosyante ng baboy dahil sa ASF.
Ipinangako ng DA na patuloy nitong nilulutas ang ASF upang tuluyang mawakasan ang nasabing problema.
Maglalaan ang DA ng P510 milyong pondo upang tulungan ang industriya ng baboy tungo sa paglutas sa ASF.
Kabilang dito ang P400 milyon para sa “recalibrated repopulation program” sa industriya ng baboy.
Patuloy ring ikakasa ng DA at BAI ang mga aksyong “targeted communication, intensified surveillance, geotagged animal and meat movements, intentional meat and product testing, localized attack, at ang “Bantay ASF sa Barangay” program.
Naniniwala ang DA na matitigil din ang ASF. Ngunit hindi sinabi kung ngayong 2021, o sa susunod na mga taon.
Sa kabila ng pananalasa ng ASF, nagrereklamo ang mga mamimili sa sobrang taas ng presyo ng karne ng baboy nitong huling kwarter ng 2020. (NELSON S. BADILLA)
