NAKAKAIYAK ANG PRESYO NG GULAY

HINDI lang mataas kundi napakataas ng presyo ng mga gulay ngayon sa mga palengke kaya nakakaiyak mamalengke ngayon at yung sinasabi ng gobyerno na kumain ng masustansya para hindi magkasakit mukhang malabo na.

Hindi ko lang alam kung ramdam ng mga opisyales ng gobyerno dahil marami naman silang budget sa pagkain pero sigurado hindi na kaya ng mga ordinaryong mamamayan ang presyo ng mga gulay.

Mantakin nyo naman, higit doble ang itinaas ng presyo at kung tatanungin mo ang mga nagtitinda sa mga palengke kung bakit, masyadong mataas ang paghango nila sa mga middlemen.

Lalong hindi naabot ng mga mamimili ang presyo ng gulay dahil may mga tindera na sobrang magpatong naman ng presyo. Sabi ng nakasabayan kong namili, kung magkano kasi ang puhunan ay yun din ang gustong kita ng mga retailers.

Tapos magrereklamo sila na matumal ang benta at halos wala ng bumibili kaya ­maraming nabubulok na paninda eh sobra-sobra naman ang ipinapatong nilang presyo sa kanilang paninda.

Tingnan nyo kung makatarungan ang presyong ito:

Karneng baboy – P190/kilo | ngayon: P380 – P400/kilo

karneng manok – P120/kilo | ngayon: P200 – P220/kilo

siling labuyo – P600/kilo | ngayon: P1,000 – P1,200/kilo

ampalaya 80/kilo ngayon: P200/kilo

sibuyas – P120/kilo | ­ngayon: P200/kilo

kalabasa – P40/kilo | ­ngayon: P100/kilo

talong – P120/kilo | ­ngayon: P180/kilo

repolyo – P140/kilo | ­ngayon: P190 – P200/kilo

baguio beans – P70/kilo | ngayon: P180/kilo

May LGUs naman ang pumayag na magkaroon ng puwesto ang mga nagtitinda ng lugar na hindi dapat pagtindihan sa pag-aakalang nila na mas makakabili dito ng mura ang mga mamili pero hindi yun totoo.

Mas mahal nga silang magbenta ng gulay kesa sa mga tindera sa mga talipapa at kapag sinabi mong “akala ko mas mura ang mga paninda dito” sasabihin nila sa ‘yo na nagbabayad kami ng puwesto”.

Eto ang mga bagay na hindi napapansin ng mga local officials na akala nila ­nakakatulong sila sa mga mamimili pero ang totoo ay hindi dahil hindi nila binabantayan ang presyo ng mga paninda.

Ang mga national officials naman walang magawa at walang aksyon para mabawasan man lang ang luha ng mga pobre na nag-iiyakan sa presyo ng mga bilihin.

Lagi nilang sinasabi lang sa atin na dahil sa mga nagdaang mga bagyo nagkulang ang produksyon ng gulay dahil hindi pa naaani ang mga pananim ng mga magsasaka na naapektuhan sa kalamidad.

Pero palagay ko, kaya mamagitan ang national ­government kung gugustuhin nila at maproteksyunan ang interes ng mga consumers laban sa mga mapagsamantalang mga negosyante.

Dapat magtakda sila ng price ceiling o kaya sila na lang ang maghango ng mga gulay sa mga magsasaka para hindi na dumaan sa middleman at bantayan ang lahat ng palengke at hulihin ang mga nagpapatong ng sobra-sobra sa kanilang paninda.

Wala kasing ibang biktima sa ganitong uri ng pagsasamantala kundi ang mga ordinaryong mamamayan na tipid na tipid na sa budget sa pagkain eh nababawasan pa dahil sa kagahaman ng mga negosyante at pagpapabaya ng gobyerno.

Teka nga pala, hindi ba umiiral pa ang State of Emergency sa Luzon dahil sa mga nagdaang bagyo at ipinagbabawal ang pagtaas ng presyo ng lahat ng bilihin? Parang hindi ipinapatupad ah.

Meron pa bang gobyerno na nagpoprotekta sa mamamayan?

211

Related posts

Leave a Comment