DALAWANG hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang arestado matapos makumpiskahan ng mahigit sa P.3 milyon halaga ng high grade marijuana sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director, P/BGen. Eliseo Cruz ang arestadong mga suspek na sina Mark Lester Corpuz, 32, ng Banaba St., Pangarap Village, Caloocan City, at Norman Keith Frago, 28, ng Batangas City.
Ayon kay P/BGen. Cruz, dakong alas-6:00ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), sa pangunguna ni P/Maj. Ramon Aquiatan Jr., sa parking lot ng Victory Mall sa Brgy. 72 ng lungsod.
Nagresulta ito sa pagkakadakip sa mga suspek at nakumpiskahan ng 180 gramo ng high grade marijuana (kush) na tinatayang P360,000 ang halaga, marked money, digital weighing scale, dalawang cellphones, at isang titanium gray na Honda City (MMA 69). (FRANCIS SORIANO)
