Hindi na napapanahon – Lorenzana UP-DND ACCORD WINAKASAN

(JESSE KABEL)

IBINASURA na ng Department of National Defense nitong Lunes ang “No cops, no troops deal” sa University of the Philippines (UP) kung saan itinatakda na kailangan munang humingi ng permiso ang mga awtoridad bago pumasok sa mga campus ng nasabing pamantasan.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi na napapanahon ang nasabing kasunduan at nagiging balakid umano ito sa militar at pulis na bigyang proteksyon ang UP Community lalo pa at nakumpirmang may recruitment ang Communist Party of the Philippines sa loob ng pamantasan.

Nilinaw rin ng kalihim na anomang oras ay maaari nilang bawiin ang nasabaing kasunduan. “Of course, Ayaw na namin.” We have determined that it doesn’t serve the interest of the students,” ani Sec. Lorenzana.

Kaugnay nito, nirerebisa rin ng kagawaran at maging ng Armed Forces of the Philippines kung may mga kahalintulad na kasunduan sa ibang paaaralan.

Ayon pa sa kalihim, sakaling may mga kahalintulad na kasunduan ay ibabasura rin nila ito.

Ipinaliwanag ni Lorenzana na ang hakbang na ito ay para protektahan ang buong unibersidad, maging ang pagsali ng mga estudyante sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Tinugon naman ng isang indignation rally sa UP Diliman campus ang hakbang ng DND.

Dakong alas-10 ng umaga nang simulan ng iba’t ibang grupo tulad ng College Editors Guild of the Philippines at ilang militanteng grupo ang rally malapit sa Quezon Hall.

Sa isang pahayag, sinabi ng Anakbayan na dahil sa desisyon ng DND na balewalain ang UP-DND Accord ay magkakaisa ngayon ang buong komunidad ng UP para ipaglaban ang academic freedom at proteksyon ng democratic spaces.

APRUB
KAY DIGONG

Suportado naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang desisyon ng DND na “unilaterally terminate” ang kasunduan nito sa UP.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kinatigan ni Pangulong Duterte ang nasabing desisyon dahil “alter ego” ng pangulo si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Si Sec. Roque bilang isang UP alumnus at dating law professor ay nagpahayag na batay sa kanyang naobserbahan sa mga campus sa Estados Unidos at Europa ay makikita ang presensiya ng kapulisan na hindi naman nalalabag ang academic freedom.

“Personally po, ako po ay 15 taon nagturo, 10 taon nag-aral sa UP eh yung 25 years ko sa UP hindi ko naranasan na nandoon ang pulis,” ayon kay Sec. Roque.

Ang nasabing kasunduan ay nabuo sa ilalim ng Cory Aquino administration noong Hunyo 1989, kung saan ang sundalo at pulis ay bawal pumasok sa premises saanmang UP campus o regional units nito nang walang paunang abiso sa UP administration.

Sa liham ni Lorenzana kay UP president Danilo Concepcion na may petsang Enero 15 letter, ang kasunduan ay nagsisilbing hadlang sa DND para bigyan ng epektibong seguridad, kaligtasan at kapakanan ang mga estudyante, faculty, at mga empleyado ng UP.

Sinabi pa niya na ang UP ay naging isang “safe haven” para sa mga rebeldeng komunista na di umano’y nagre-recruit ng mga estudyante ng premier state university.

“May I urge you, therefore, to reconsider and revoke your abrogation, and request further that we meet to discuss your concerns in the shared spirit of peace, justice, and the pursuit of excellence,” tugon naman ni UP president Danilo Concepcion sa liham ni Lorenzana.

SOLON: WPS HINDI
UP ANG BANTAYAN

Hindi ang University of the Philippines (UP) ang dapat bantayan at buhusan ng puwersa ng DND kundi ang West Philippines Sea (WPS) dahil naroon ang nagbabanta sa seguridad ng bansa.
Ito ang tinuran ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

“Sa halip na ipilit ng DND ang pagdeploy ng militar sa UP, magdeploy sila ng karagdagang batalyon sa West Philippine Sea dahil patuloy ang reclamation ng Tsina doon at paghakot ng ating yamang dagat. Andun ang banta sa pambansang seguridad,” ani Brosas.

Bagama’t pinalagan ito ng UP Administration, nangangamba si Brosas na magkaroon ng militarisasyon sa lahat ng campus ng nasabing paaralan sa buong bansa.

Ipinakikita rin umano sa aksyong ito ng DNP ang pagkadesperado ng Duterte administration na patahimikin ang lahat ng mga kritiko kaya lalong nanganganib aniya ang demokrasya sa bansa.
Galit din ang grupo ng mga kabataan sa solong desisyon ng DND subalit lalabanan umano ito ng mga estudyante hindi lamang sa UP kundi sa iba’t ibang paaralan, ayon kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago.

“Sa panahon ngayon na higit na kailangan pa rin ng mamamayan ang buong lakas at panahon ng gobyerno na tugunan ang lumalalang krisis pangkalusugan at ekonomiya, inuuna ng administrasyong Duterte ang pag-atake sa mga demokratikong karapatan at kalayaan ng kaniyang mamamayan lalo na ng kaniyang mga kritiko at ng oposisyon,” ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro.

PINABABAWI

Umapela naman si House committee on national defense and security vice chairman Ruffy Biazon kay Lorenzana na ikonsidera ang kaniyang desisyon dahil posibleng magkaroon ito ng negatibong epekto sa mga kabataan.

Ayon sa mambabatas, bagama’t ang layon umano ng DND ay maprotektahan ang institusyon at mga kabataan laban sa mga kaaway ng estado ay hindi pa rin aniya ito maayos na hakbang ng gobyerno.

Nakakuha naman ng kakampi ang DND sa panig ng Duterte Youth party-list sa pamamagitan ng kinatawan ng nasabing grupo sa Kamara na si Rep. Ducielle Marie Cardema.
“Academic Freedom does not include freedom to commit sedition or inciting people to rebel against the government,” pahayag ni Cardema dahil sa reklamo ng mga kontra sa paglusaw sa nasabing kasunduan na paglabag umano ito sa academic freedom.

Ayon sa mambabatas, maraming nagtapos sa nasabing unibersidad na hardworking at peace loving subalit mayroon aniyang iilan na walang nais kundi ibagsak ang gobyerno.

GUMAGAWA
NG PROBLEMA

Para naman sa isa sa mga alumnus ng UP na si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, gumagawa umano ng problema ang Camp Aguinaldo kaya umaasa ito na iaatras ni Lorenzana ang pagbawi nito sa 32 taong DND-UP accord.

“We are hoping that Camp Aguinaldo will come to realize that it just created a problem where there used to be none. UP does not need any protection from the military.”
“Any unwanted military presence in UP, or in any higher institution of learning for that matter, is bound to constitute an invasion of academic freedom.We certainly do not want soldiers, whether in uniform or civilian clothes, stalking campuses and inhibiting the freedom of our teachers and students to study and express their ideas,” dagdag pa ng mambabatas.

MAGLATAG
NG BOUNDARY

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, lubhang may negatibong epekto ang pagbasura sa kultural ng kalayaang pang-akademiko sa loob ng kampus.

Aniya, dapat makipagkasundo ang security forces sa UP upang magtakda ng boundary o hangganan sakaling papasok sila sa loob ng kampus nang walang pahintulot.

“Once the pact is terminated, what will the security sector do? We don’t know that yet. Probably they could come to an agreement that there are boundaries to be observed,” ayon kay Lacson.

Binalaan din ni Lacson ang security sector na baka tinatapakan na nito ang kanilang hangganan sa pagkilos dahil gigipitin ang akademya at iba pang kalayaan na tinatamasa ng UP community.

“If it is designed to muzzle the academic and other freedoms being enjoyed by UP in general, you can describe it as that – overstepping,” aniya. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD/ESTONG REYES)

166

Related posts

Leave a Comment