Astang bata at sablay na pamumuno-Defensor WALANG WISDOM SI LORD

(BERNARD TAGUINOD)

TINIYAK kahapon ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin sa bayan sa kabila ng mistulang kawalan ng wisdom ni Speaker Lord Allan Velasco.

Inilarawan din ng mambabatas ang lider ng Kamara na parang bata at sablay ang pamumuno.

Dagdag pa niya, imbes na pag-isahin, mismong si Velasco ang nagwawasak sa pagkakaisa ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Inihayag ito ni Defensor matapos siyang alisan ng vice chairmanship sa 5 committees na kinabibilangan ng Health, Good Government and Public Accountability, Dangerous Drugs, Public Information, at Strategic Intelligence committee.

Inaasahan din ng mambabatas na tatanggalin sila bilang vice chairman ng House committee on Legislative Franchises at Welfare of Children anomang araw ngayon dahil patuloy na inaalisan ni Velasco ng poder ang mga kaalyado ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

“Titles, names, and positions do not define us and the service we render for the people. He may be Speaker but he lacks the proper leadership. He may be Lord but he lacks the wisdom and good judgement to determine the right path of the House. Instead of uniting the House, he further divides it,” ani Defensor.

Bukod kay Defensor ay tinanggal na rin bilang vice chairman ng House committee on public accounts si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na unang sinibak ni Velasco bilang Deputy Speaker.

Ayon sa mambabatas, ipinagmamalaki umano nito ang nagawa niyang trabaho bilang dating chairman ng Public Accounts at bilang vice chairman ng mga nabanggit na komite.

Si Defensor ay kabilang sa grupong “BTS sa Kongreso” na binuo ng mga mambabatas na inalisan ni Velasco ng puwesto sa Kamara.

Kabilang sa grupong ito sina dating Speaker Alan Peter Cayetano, Capiz Rep. Fred Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu at Villafuerte.

187

Related posts

Leave a Comment