MALALAMAN ng publiko ang mga ‘totoong dahilan’ na posibleng inilihim ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) hinggil biglang paglobo ng bayad sa pagpaparehistro ng pribadong sasakyan kapag nagsimula na ang imbestigasyon sa Senado.
Bilang pinuno ng Senate Committee on Public Services, naghain si Senadora Mary Grace Poe ng Senate Resolution No. 634 upang imbestigahan ang nasabing isyu sa operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).
Inaasahang dadalo sina DOTr Secretary Arthur Tugade at LTO Administrator Edgar Galvante sa pagdinig ng komite upang ‘mapakanta’ ang dalawang ito hinggil sa kontrobersiya.
Bubusisiin ng mga senador ang Department Order 2018-019 ng DOTr at Memorandum Circular No. 2018-2158 ng LTO at iba pang may kaugnayan sa kautusan ng kagawaran at ahensiyang nasa ilalim nito.
Naging mainit at kontrobersiyal na isyu ang pagpapataas ng bayad sa pagpaparehistro ng mga pribadong sasakyan dahil napakaraming tumutol nang simulan ng LTO ang pagpapatupad ng kautusan nina Tugade at Galvante.
Noong 2018, naglabas ng memorandum si Galvante na nagbibigay ng kapangyarihan sa PMVICs na mangolekta ng P1,800 bilang inspection sa motor vehicles na may timbang na 4,500 kilograms, o mas mababa pa.
Kung bumagsak ang sasakyan sa test ay kailangan ipaayos ito ng may-ari at ibalik niya sa PMVICs kung saan magbabayad siya ng karagdagang P900 bilang reinspection fee upang tuluyang makakuha ng clearance mula sa PMVICs.
Batay sa parehong Galvante memorandum, ang mga may-ari ng mga motorsiklo at tricycle ay P600 ang ilalabas para sa inspection fee at P300 para sa reinspection fee kapag napaayos ang mga ito.
Napansin ni Poe na mayroon pang karagdagang babayaran ang mga motorista sa iba pang testing centers dahil walang tinatawag na “interconnectivity” sa IT system ng LTO at PMVICs.
Plano ng DOTr na magtayo ng 138 PMVICs sa buong bansa ngunit duda ang mga motorista na posibleng maging ‘bodega’ umano ito ng korapsyon.
(NELSON S. BADILLA)
