CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA isang bansang matagal nang sinusubok ng political drama, korupsyon, at kawalan ng pananagutan, nakababahala na ang mismong Senado—na dapat ay simbolo ng batas at kaayusan—ang nasangkot ngayon sa isang kontrobersyal na insidente ng putukan, komosyon, at umano’y pagtatakip ng ebidensya.
Pero hindi lamang simpleng kaguluhan ang usapin. Kasama sa mga tanong ngayon ang ‘pagtakas’ ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senate compound, ang mga alegasyon ng obstruction of justice laban sa ilang senador, at ang posibilidad na “staged” o gawa-gawa lamang ang nangyari.
Mabigat ang mga paratang kaya hindi sapat ang ordinaryong imbestigasyon.
Tama lamang ang panawagan ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na bumuo ng isang independent investigating body upang tiyaking magiging patas, malalim, at walang kinikilingan ang paghahanap ng katotohanan.
Hindi puwedeng Senado ang mag-imbestiga sa sarili nito. Posible ring pagdudahan kung NBI dahil kasama sila sa mga itinuturong dahilan kaya nagputukan.
Tandaan, isa sa pinakamalaking problema sa mga kontrobersyang may kinalaman sa gobyerno ay ang “conflict of interest.”
Paano magiging ganap na patas ang imbestigasyon kung ang mga posibleng sangkot ay bahagi rin ng institusyong nag-iimbestiga?
Hindi ba’t lumutang na ang pangalan nina Senador Robin Padilla at Jinggoy Estrada sa iniimbestigahan kaugnay ng CCTV footage at umano’y pagtulong sa pagkawala ni Dela Rosa sa compound.
Matataas na opisyal ang sangkot kaya mas lalong kailangang hiwalay at independent ang mag-iimbestiga. Huwag sabihing ito ay usapin ng pulitika lamang dahil kredibilidad ng institusyon ang nakataya rito.
Sukdulang pang-aalipusta na nga inaabot sa taumbayan ng mga senador ngayon, kaya kailangan nilang maghinay-hinay at matalino ang pagdedesisyon.
Hindi naman sa minamaliit natin ang hakbang ng Department of Justice (DOJ) na bumuo ng special panel of prosecutors. Maging ang direktiba na ipreserba agad ang ballistic reports, communication logs, CCTV footage, at forensic evidence.
Ngunit sa kasaysayan ng Pilipinas, maraming imbestigasyon ang naging political theater—maingay sa umpisa ngunit nauuwi sa wala kapag lumamig na ang isyu.
Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mungkahi ni De Lima na ang manguna sa imbestigasyon ay mga retiradong miyembro ng hudikatura, beteranong imbestigador, at mga personalidad na walang direktang koneksyon sa Senado o sa kasalukuyang administrasyon.
Ang tunay na independent investigation ay hindi dapat kontrolado ng pulitika, personal na relasyon, o utang na loob.
Sa panahon ng fake news, political polarization, at matinding pagdududa ng publiko, mas mahalaga ngayon ang transparency kaysa proteksyon sa imahe ng mga makapangyarihan.
72 