DALAWANG terrorist bombers na sinasabing kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nadakip sa joint AFP-PNP counter terrorism operation, ang napatay dahil sa pang-aagaw umano ng baril sa Rajah Buayan, Maguindanao.
Sa unang ulat, naaresto ang dalawang sinasabing mga terorista na kinilalang sina Rasul Dubpateg at Bhadz Dupbale dahil sa pagkakasangkot sa mga serye ng pambobomba sa Cotabato City at Central Mindanao bandang alas-10:00 noong Huwebes ng umaga.
Sinasabing ang dalawa ay miyembro ng isang grupo na sumusuporta sa international terror group Dawalah Islamiyah.
Ayon kay PNP Chief Debold Sinas, ang dalawang napatay ay miyembro rin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Karialan Bungos.
Lumitaw sa pagsisiyasat, sakay ng police patrol car ang dalawa at patungo sa Maguindanao Provincial Police Office, nang magtangka umano ang mga ito na agawin ang mga baril ng mga katabing pulis.
Sa agawan, nabaril ang dalawa at isinugod sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office ngunit kapwa nalagutan ng hininga bago malapatan ng Lunas.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) Bangsamoro Autonomous Region Regional Director Police Brigadier General Samuel Rodriguez kay PNP chief, P/Gen. Debold Sinas, ang dalawang suspek ay mga miyembro ng Dawlah Islamiya Hasan Group at core members ng BIFF Karialan-Bungos Faction, at kapwa sangkot sa pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, sa Midsayap North Cotabato, at pambobomba sa South Seas Mall sa Cotabato City. (JESSE KABEL)
197
