APRUBADO sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukala na magpapalawak sa hurisdiksiyon ng first at second level courts na aamyendahan ang Judiciary Reorganization Act of 1980, o ang Batas Pambansa Blg. 129.
Sa botong 22 pabor, 2 tutol at walang abstension, aprubado ang Senate Bill No. 1886, o tatawagin bilang Act Further Expanding the Jurisdiction of the Metropolitan Trial Courts (MeTCs)/ Municipal Trial Courts In Cities, Municipal Trial Courts (MTCs), And Municipal Circuit Trial Courts (MCTCs). Dalawang hakbang na lamang, maaari na itong maging ganap na batas.
Nagpahayag ng pag-asa si Senador Richard Gordon, chairman ng Committee on Justice and Human Rights at isponsor ng panukala na maaaring mabawasan ng SBN 1866 ang tambak na kaso sa korte ng Regional Trial Courts (RTCs) at mapabilis ang disposisyon sa mga kaso.
“Unclogging the court’s dockets can be attained by expanding the jurisdictional threshold amount of the first level courts or MTCs, citing higher number of pending cases at the second level courts or RTCs,” ayon kay Gordon.
Isa sa inamyendahan na isinama sa panukala ang pagtataas ng jurisdictional amount sa ilalim ng RTCs para sa lahat ng civil actions na sangkot ang titulo o pagmamay-ari nito, real property mula P20,000 (P50,000 sa Metro Manila) hanggang P400,000.
Ayon sa Office of the Court Administrator ng Supreme Court, umaabot pa sa 21,269 ang nakabinbin na civil case sa first level court, habang 108,484 sa second level courts noon pang December 2018.
Sinabi pa ni Gordon na mababawasan din ang overloading ng kaso na nakatalaga sa isang hukom kaya mapabibilis ang disposisyon ng mga kaso. Aniya, masyadong maraming kaso na dapat dinggin pero kakaunti ang hukom. (ESTONG REYES)
279
