Kambal na IED sa DOJ at Senado ‘PASABOG’ SA IKA-5 SONA NI MARCOS JR.

(JULIET PACOT)

NAGKAROON ng pagsabog ilang oras bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon.

Bandang alas-12:17 ng madaling araw nang mangyari ang pagsabog sa tapat ng entrance ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila. Ayon sa DOJ, hinihinalang dulot ito ng isang improvised explosive device (IED).

Agad na rumesponde ang Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP-EOD) Unit upang magsagawa ng technical examination sa lugar.

Bagama’t walang naiulat na nasawi o nasugatan, sinabi ni Manila Police District (MPD) Spokesperson Police Major Philip Ines na patuloy nilang iniimbestigahan ang pinagmulan, uri at iba pang detalye ng pagsabog.

Binigyang-diin ng DOJ na kontrolado na ang sitwasyon at nananatiling ligtas ang buong compound ng kagawaran.

Sa hiwalay na pahayag, nilinaw ni Justice Secretary Frederick Vida na walang kinalaman ang pagsabog sa pagsuspinde ng trabaho sa DOJ Central Office bandang alas-11:00 ng umaga.

Ayon kay Vida, pinauwi ang mga empleyado upang mabigyan sila ng pagkakataong mapanood at mapakinggan ang SONA ni Pangulong Marcos, gayundin upang maiwasan ang matinding trapiko at posibleng abala sa pampublikong transportasyon.

Samantala, isang pakete na naglalaman ng hinihinalang improvised explosive device ang natagpuan malapit sa Senado. Dahil dito, sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms head retired Police Major General Alfred Corpus na magpapatupad sila ng dagdag na security measures.

Minority Bloc Nag-boykot

KINUMPIRMA ni Senador Imee Marcos na hindi siya dumalo sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kanyang hinanakit sa administrasyon.

Sinabi ni Marcos na makikinig pa rin siya sa talumpati ng Pangulo kahit wala siya sa Batasang Pambansa.

Ayon sa senadora, ikinasama ng kanyang loob ang pagkakasuhan at pagkakakulong ng ilan sa kanyang mga kasamahan.

“Yun nga lang, masama ang loob namin dahil pinagkukulong, kinakasuhan ang minority. Yun lang, parang ‘di ko kaya. Masama ang loob ko diyan,” ani Marcos.

Nang tanungin kung isa itong anyo ng protesta, sinabi niyang wala silang napagkasunduang boycott o anomang koordinadong hakbang.

Kabilang sa mga hindi dumalo sa SONA sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senators Pia Cayetano, Robin Padilla at Loren Legarda.

51 Inaresto sa Protesta

AABOT naman sa 51 indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad sa kasagsagan ng mga kilos-protesta kasabay ng SONA.

Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., may legal na batayan ang mga pag-aresto, kabilang ang paglabag sa mga lokal na ordinansa, Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985, at pagsusuot ng balaclava o pantakip sa mukha.

Sinabi ni Nartatez na layunin ng mga awtoridad na mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan at matiyak ang mapayapang pagdaraos ng mga protesta.

Pinabulaanan din ng PNP chief ang mga pahayag na labis ang inilatag na seguridad para sa SONA.

Aniya, maliit lamang ang mahigit 20,000 pulis na idineploy kumpara sa kabuuang humigit-kumulang 230,000 tauhan ng PNP sa buong bansa.

Nauna namang pinuna ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr. ang malawakang deployment ng mga pulis.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Reyes na ang ipinatutupad umano ng PNP at ng administrasyon ay hindi “maximum tolerance” kundi “maximum perwisyo” at “maximum panunupil.”

Iginiit din ni Reyes na ang matinding trapiko sa paligid ng Batasang Pambansa ay dulot umano ng dami ng mga pulis na naka-deploy at hindi ng mga raliyista.

(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA/TOTO NABAJA)

51

Related posts

Leave a Comment