HINIMOK ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ang lahat ng law enforcement agencies na tugisin ang mga nasa likod ng online selling ng mga peke at hindi rehistradong bakuna.
Ito ay kaugnay na rin ng inaasahang pagdating sa bansa ng unang batch ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines.
Ayon kay Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, hindi malayong samantalahin ng ilang tiwaling grupo o indibidwal ang pagkakataong isagawa ang kanilang ilegal na gawain kapag ganap nang magkaroon sa bansa ng COVID-19 vaccines partikular ang inorder ng gobyerno, ilang local government units (LGUs) at nasa pribadong sektor.
“We are anticipating that with the arrival of the COVID-19 vaccines in the country, there will also be an influx of unscrupulous individuals selling unregistered, or worse, fake vaccines,” ang sabi pa ng Deputy Speaker for Trade and Industry.
“We call on all cybercrime agencies of the government to be on the lookout for illegal and unregistered COVID-19 vaccines and pool their resources to apprehend opportunists who prey on the public,” dugtong niya.
Pagbibigay-diin ni Gatchalian, hindi lamang pera kundi mismong ang buhay ng mga inosenteng consumer ang nakataya sa modus operandi na ito ng mga manlolokong online seller kaya nararapat lamang na kumilos at mahadlangan ito ng mga tagapagpatupad ng batas.
Nanawagan din ang kongresista sa taumbayan na maging alerto at mapagmatyag at hinimok ang mga ito na agarang makipag-ugnayan sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para magbigay ng impormasyon kung mayroon silang nadiskubre o nalalamang mga nagbebenta ng peke at hindi rehistradong COVID-19 vaccines.
Una na ring nagpalabas ng babala sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa pagbili at paggamit ng unregistered COVID-19 vaccine, lalo na ang mga ibinebenta sa online.
“To date, only the Pfizer-BioNTech and AstraZeneca COVID-19 vaccines have been issued emergency use authorizations (EUAs) by the FDA,” paalala pa ni Gatchalian. (CESAR BARQUILLA)
181
