PINAGMUMUKHANG lame duck at mistulang atat nang palitan ng mga supporter nina Vice President Leni Robredo, Davao City Mayor Sara Duterte at Sen. Bong Go si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ilunsad ng mga ito ang presidential bid ng mga nabanggit na personalidad sa 2022.
Ganito ang basa ni House finance committee chairman Joey Salceda sa mga petisyon ng mga supporter ng mga nabanggit na humihikayat sa mga ito na tumakbo sa susunod na presidential election.
“My only comment is that it should not lead people to believe that we are in the lame duck phase of the Duterte presidency already,” pahayag ni Salceda dahil ngayon pa lamang ay naghahanap na ang mga ito ng kapalit ng pangulo.
Si Pangulong Duterte ay mayroon pang 16 buwan sa kapangyarihan dahil matatapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022 o mahigit isang buwan bago mahalal ang papalit sa kanya sa Malacanang.
Base sa mga report, inilunsad na ang “I am for Leni” para sa presidential bid ng pangalawang pangulo habang ang mga supporter naman ni Mayor Duterte na tinawag na “ISDA” o Inday Sara Duterte Ako ay nagkaroon ng motorcade sa Quezon City kamakailan.
Iba ito sa Duterte-Duterte Tandem for 2022 na inilunsad ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa Pangasinan noong Pebrero 2, 2021 na nagtutulak sa tandem ng mag-amang Duterte kung saan si Mayor Sara ang tatakbong pangulo habang ang incumbent president ang bise nito.
Marami ring nagtutulak umano sa presidential bid ni Go na 22 taong alalay ni Pangulong Duterte at nakikilala dahil sa kanyang selfie photos at pinatakbo sa Senado noong 2019 at nanalo.
HINDI PRAYORIDAD
Ayon naman kay Deputy Speaker Bienvenido Abante ng Manila, hindi ang tatakbong pangulo sa susunod na eleksyon ang prayoridad ng mga Pilipino kundi ang kanilang kalusugan.
“These are extraordinary times and I believe it is too early and too premature to think about next year’s elections; iba mga prayoridad ng ating mga kababayan ngayon,” ani Abante.
Kung merong mahalaga aniya ngayon sa mga Pilipino ay magkaroon na sila ng bakuna sa lalong madaling panahon para makabalik sa normal na buhay kaya wala silang pakialam kung sino ang tatakbo sa pagkapangulo.
“In all likelihood.. more concerned about how they will vote––not who they will vote,” ayon pa sa mambabatas kaya dapat asikasuhin muna aniya ang National Deployment and Vaccination Plan (NDVP). (BERNARD TAGUINOD)
274
