TINIYAK ni Secretary William Dar na ginagawa ng Department of Agriculture (DA) ang lahat ng paraan upang sumigla at kumita ang mga tinatawag na commercial hog raisers sa bansa at pork vendors sa National Capital Region (NCR).
Ang pinakabagong diskarteng naisip ni Dar ay magpautang ang DA ng P27.6 bilyon sa mga nasabing negosyante upang “buhayin” ang industriya ng baboy.
Inilabas ni Dar ang ideyang pagpapautang ng pamahalaan ng bilyong halaga upang ‘matapos’ na ang suliraning dulot ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng karneng baboy at manok na nagsimula pa noong Hulyo 2020 na sinabayan ng mataas ding presyo ng isda, gulay at iba pang produkto.
Nagaganap ito sa panahong umabot sa limang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho nitong nakalipas na taon, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga naging solusyon na ng DA upang tapusin ang suliranin sa napakataas na presyo ng baboy ay ang pagpapatupad ng Executive Order 124 (EO 124) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Pebrero 8.
Kamakalawa, nagdeklara ang DA na parurusahan ang mga lalahok sa pork holiday na isinagot ng mga vendor laban sa price ceiling.
Hindi naipatupad ni Dar ang banta makaraang manawagan ang mga negosyante ng baboy na magbitiw na siya sa tungkulin dahil sa pagiging inutil niya.
Sa halip, nanawagan si Dar sa mga negosyante ng galunggong na dagdagan ang bilang ng ikakarga nila sa mga palengke upang makatulong sila sa pagpapababa ng presyo ng baboy at manok.
Sa paglalabas ng P27 bilyon pautang, P15 bilyon ang manggagaling sa Land Bank of the Philippines (LBP), samantalang P12 bilyon sa Development Bank of the Philippines (DBP), parehong pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan. (NELSON S. BADILLA)
180 